top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagkakalat ng tamang impormasyon tungkol sa ligtas na bakuna, gawin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 6, 2019
  • 2 min read

HINDI lang sa Pilipinas dumami ang kaso ng tigdas. Ayon sa UNICEF, sampung bansa ang responsable sa 75 porsiyentong pagtaas ng bilang ng kaso ng tigdas sa buong mundo noong nakaraang taon, kabilang ang Pilipinas. Siyamnapu’t walong bansa ang nag-ulat ng pagdami ng kaso ng tigdas noong 2018 kumpara noong 2017. Nakapagtataka dahil mayroong bakuna na matagal nang ligtas na maaaring maibigay sa mga bata. Milyun-milyong bata ang nabigyan ng bakuna noong mga nakaraang taon.

Sa Pilipinas, ang isa sa maaaring dahilan ng pagdami ng kaso ng tigdas ay ang pag-aatubili ng ilang magulang na pabakunahan ang kanilang anak dahil sa isyu ng Dengvaxia. Noong mga nakaraang taon, pumutok ang isyu tungkol sa peligro na dulot ng Dengvaxia at sinisisi ito sa pagkamatay ng ilang batang nakatanggap ng bakuna. Ayon sa Department of Health (DOH), wala pang matibay na ebidensiya na Dengvaxia ang sanhi ng pagkamatay ng ilang mga bata. Sa totoo lang, Pilipinas lang ang may kontrobersiya hinggil sa Dengvaxia at dahil nagkaroon ng “isyu”, maraming magulang ang posibleng natakot na pabakunahan ang kanilang mga anak kahit ligtas naman ang bakuna para sa tigdas.

Iba naman ang dahilan sa ibang bansa, mayroong malaking kilusan na kontra bakuna. Sinisisi ang pagbabakuna sa autism, isang uri ng sakit ng bata kung saan hirap silang makipag-usap at magkaroon ng relasyon sa ibang tao. Sinisisi ng kilusan ang pagbabakuna, kahit walang matibay na ebidensiya para rito. Kumalat ito sa social media at marami ang naniwala tungkol dito. Ito ang mahirap kapag maling impor­masyon ang kumakalat na pinani­niwalaan agad nang hindi kinukum­pirma.

Kung iisipin natin, hindi problema ang sakit na tigdas noon. Hindi natin alam ang batayan ng mga kilusang kontra bakuna kung napakaraming bata ang nabigyan ng bakuna ay wala namang problema at ligtas din sa naturang mga sakit. Tandaan, hindi dapat minamaliit ang sakit na tigdas dahil maaaring mamatay ang bata. Sa Indonesia, bumaba ng animnapu’t limang porsiyento ang kaso ng tigdas noong 2018, dapat nagawa rin natin ito. Dapat mas maganda ang pagkalat ng impormasyon sa publiko na ligtas ang bakuna para sa tigdas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page