Mister nahulog mula 15th flr. ng hotel, lasog

NAHULOG umano mula sa ika-15 palapag ang 50-anyos na granite installer at bumagsak sa unang palapag ng ginagawa nitong gusali sa Pasay City, nitong Lunes.
Halos nagkalasug-lasog ang katawan ng biktimang si Rei Roble y Dinampo, may asawa, granite installer ng San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon sa ulat ni Police Colonel Noel Flores, naganap ang insidente sa 15th floor/roof deck ng Marriot Hotel Wing, Resort Drive, Bgy. 183, Villamor sa nasabing lungsod, ala-1:33 ng hapon.
Sa pahayag ng testigo na si Michael Aguilar, 45, security officer ng hotel, kasama niya sa roof deck ang biktima at habang nagtatanggal siya ng granite stone nang bigla umanong mawalan ng balanse at nalaglag si Robles sa ground floor ng gusali na agad nitong ikinasawi.
Nagsagawa naman ng technical investigation ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District sa pangunguna ni Captain Mediana.
Dinala ang labi ng biktima sa Veronica Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya.





Comments