top of page

Babala sa mahilig uminom ng softdrinks!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 6, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 49 years old at malakas akong uminom ng softdrinks, ito ang dahilan kaya nagkaroon ako ng diabetes. Mayroon akong maintenance, pero minsan, pasaway pa rin ako at hindi ko matiis na hindi uminom ng softdrinks dahil parang naaadik na ako rito. Totoo bang napakataas ng sugar content nito? — Antonio

Sagot

Matagal nang sinasabi ng mga eksperto na ang pag-inom ng softdrinks ay may masamang epekto sa katawan dahil sa napaka­raming asukal nito. Ang 12-oz can ng regular softdrinks ay may 39 grams of total sugar o 9 1/3 kutsarita ng asukal. Hindi mababasa ang salita na sugar sa label ng soft­drinks. Ang nakalagay sa label ay high fructose corn syrup na ginagamit pampatamis sa softdrinks, kaya dapat alamin kung paano mahahanap ang mga nakatagong asukal sa label. Halimbawa, kung nakalista sa ingredients ang mga sumusunod: Sucrose, maltose, dextrose, glucose, lactose, galactose, cane juice, dextrin, maltodextrin, buttered syrup, malt syrup at iba pa.

Ang rekomendasyon ng American Heart Association para sa asukal:

  • 3-4 teaspoons para sa mga bata

  • 5 teaspoons para sa mga babae

  • 8-9 teaspoons para sa mga lalaki

Kaya kahit isang can lang ng softdrinks ang inumin ay sosobra ito sa rekomendasyon.

Kung magbabawas ng timbang, lalo na kung diabetic, kailangang umiwas sa liquid calories o mga inumin na maraming asukal. Kung ang intake ng calories sa pagkain at inumin ay mas higit sa calories na tinutunaw sa paggalaw o ehersisyo, nakatataba ito.

Paano mababawasan ang liquid calories?

• Uminom ng maraming tubig — palitan ng tubig ang softdrinks, energy o sports drinks at iced tea dahil ang tubig ay walang calories.

• Kumain ng prutas imbes na fruit juice — mas nakabubusog ang pagkain ng prutas dahil may fiber ito.

• Iwasan ang pag-inom ng kape na may whipped cream at iba pang dagdag na sangkap. Piliin ang simpleng kape lamang na puwedeng dagdagan ng low fat na gatas.

• Bawasan ang pag-inom ng alak — may calories din ang beer, hard drinks at wine.

• Mahalagang basahin ang nutrition label ng produktong balak inumin para malaman kung ilang calories ito at may nakatakda ring serving size rito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page