Walang helmet, sinita | PULIS TINANGKANG SUHULAN NG P500, RIDER AT ANGKAS KULONG

ARESTADO ang dalawang lalaki matapos tangkain umanong suhulan ang pulis na sumita sa kanila sa checkpoint dahil walang suot na helmet ang angkas sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief Sr. Supt. David Nicolas Poklay ang mga inaresto na sina Gilbert Lara, 26, safety officer ng Mapulang Lupa at Rain Mesina, 23, cashier ng Dagupan St. Tondo Manila.
Alas-2:15 ng madaling-araw, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP)-10 sa kahabaan ng Service Road, Parada nang mapansin ni Patrolman Reinald Romulo Limosnero ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo subalit, walang suot na helmet ang angkas kaya pinara ang mga ito.
Kapalit ng hindi pag-isyu ng tiket, tinangka ng dalawa na suhulan ng P500 ang pulis subalit, ipinagkibit-balikat lamang ni Limosnero ang nasabing halaga at itinuloy nito ang pag-isyu ng tiket sa mga suspek.
Nagmatigas pa rin ang mga suspek at nakipagtalo pa sa pulis kaya binitbit ang mga ito sa presinto habang dinala naman sa impounding area ng Valenzuela City Action Center ang kanilang motorsiklo.





Comments