MENDOZA, 12-ANYOS, CHAMP SA GOLDEN MOVES CHESS

KINORONAHAN bilang kampeon ang 12-taong-gulang na si Mike Emmanuel Mendoza pagkatapos ng pitong rounds ng tagisan ng talino sa 2019 Golden Moves Kiddies Chess Tournament I sa Guagua, Pampanga.
Halos walang bahid ang pagmamaniobra ni Mendoza, 2nd seed at may rating na 1685, sa bakbakan ng mga paslit na disipulo ng ahedres kaya nakapagposte ito ng anim na panalo at isang draw.
Tinuruan niya ng leksiyon sina John Stephen Flores (round 1), Jawn Lawrence Carpio (round 2), Zyra Constantino (round 3), Ryn Mae Sepada (round 5), Lira Placer (round 6) at John Carlo Parpan (round 7) samantalang nakipaghatian siya ng puntos kay Oshrie Jhames Reyes noong pang-apat na yugto.
Nanggulat ang 7-anyos na si Reyes, 6th ranked at may rating na 1584, pagkatapos niyang hablutin ang pangalawang puwesto sa kartadang 5.5 puntos mula sa 5 panalo, 1 draw at 1 talo. Isinara ni Constantino ang podium dahil sa rekord nitong 4.0 puntos.
Samantala, napanatili nina GM Magnus Carlsen ng Norway at Italian-American GM Fabiano Caruana ang kanilang 1-2 na puwesto sa world chess rankings na ipinalabas ng FIDE.
Kasama rin sa listahan ng 10 pinakamalupit na chessers sa buong mundo sina GM Ding Liren (China), GM Anish Giri (Netherlands), GM Shakhriyar Mamedyarov (Azerbaijan), dating world champion GM Vishwanthan Anand (India), GM Maxime Vachiere Lagrave (France), GM Alexander Grichuk (Russia) , GM Ian Nepomniachtchi (Rusia) at GM Wesley So (USA).





Comments