Lahat ng PWDs, awtomatik nang pasok sa PhilHealth, ayos!


PIRMADO na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11228 o “an act providing PhilHealth coverage for all persons with disability”.
Nangangahulugan ito na awtomatiko nang miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga may kapansanan o persons with disability (PWD).
Sasagutin na ng gobyerno ang bayad sa kontribusyon ng PWD sa PhilHealth habang ang mga PWD na may trabaho ay pagtutulungang bayaran ng gobyerno at ng kanilang mga employer.
Ang pondo ay kukunin sa National Health Insurance Fund ng PhilHealth na makukuha naman sa excise tax sa alak at sigarilyo.
Kaugnay nito, inaatasan ng batas ang PhilHealth na gumawa ng exclusive package para sa mga espisipikong pangangailangan ng mga PWD.
Magsasagawa naman ng periodic monitoring at evaluation ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), National Council for Disability Affairs (NCDA), Local Government Units (LGUs) at iba pang tanggapan ng gobyerno.
Pinagagawa rin sa DOH ang database para sa health at development needs ng mga PWD.
Sa pamamagitan ng nasabing batas, hindi na mangangamba ang ating mga kababayang PWD kung paano haharapin ang mga pangangailangan o gastusin sa kanilang kalusugan dahil mayroon na silang katuwang.
Umaasa naman tayo na maipatutupad ang batas nang naaayon.





Comments