2 service crew huli sa aktong nagdodroga

KALABOSO ang apat katao kabilang ang dalawang service crews matapos maaktuhan ng mga pulis na gumagamit ng marijuana sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief Sr. Supt. David Nicolas Poklay ang mga naarestong suspek na sina Darwin Alano, 20, factory worker; Shan Cristian Sarmiento, 19, service crew; Romnick Ramos, 20, helper at Raffy Mendoza, 19, service crew at pawang residente ng Bgy. Ugong.
Ayon kay PO1 Pamela Joy Catalla, nagsasagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Detective and Management Unit ng Valenzuela Police sa kahabaan ng Barrios St., Barrios Homes, Bgy. Ugong nang maaktuhan ng mga ito ang grupo ng mga suspek na nagma-marijuana, alas-9:15 ng gabi.
Inaresto nina SPO1 Cristopher Salcedo, PO3 Noel Vitug at PO1 Julius Subilliaga ang mga suspek at narekober sa mga ito ang isang plastic sachet ng hinihinalang marijuana at cigarette foil paper improvised pipe.





Comments