1,500 tortoises na nakumpiska sa NAIA, nasa DENR na
- June Simon
- Mar 5, 2019
- 1 min read

UMABOT sa 1,500 tortoises na kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nai-turnover na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para maisalba at mapangalagaan ang mga ito.
Nadiskubre ng Customs ang mga pagong sa loob ng apat na bagahe na pag-aari ng Pilipino traveler na dumating mula sa Hong Kong noong Sabado ng gabi.
Ayon kay Port of NAIA District Collector Mimel Talusan, inabandona ng hindi pa nakikilalang pasahero ang apat na bagahe sa baggage carousel upang makaiwas sa kasong kahaharapin.
Aniya, maaaring may nakapagsabi sa pasahero tungkol sa maaari nitong sapitin kapag nahuli sa kanya ang mga pagong.
Dagdag pa ni Talusan, nang mapansin ng mga opisyal ng Customs na walang kumukuha sa naturang mga bagahe, agad binitbit ang mga ito saka sinailalim sa x-ray check kung saan natagpuan ang mga tortoise na naka-duct tape.
Kabilang sa tortoises na nadiskubre ang Star Tortoise, Redfoot Tortoise, Sulcata Tortoise, Red-eared Slider na agad na inilipat sa pangangalaga ng DENR Wild Life Traffic Monitoring Unit para sa rehabilitasyon.
Ang illegal wildlife trading ay mahigpit na ipinagbabawal at paglabag sa RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act).





Comments