Pamilyang supplier ng shabu, arestado

NASA 28-kilo ng high grade shabu ang nasabat ng Cebu Provincial Police Office (CPPO) sa magkahiwalay na operasyon sa bayan ng Cebu at Consolacion sa Cebu, kahapon ng madaling- araw.
Kasabay ng pagkakasabat sa P190 milyong halaga ng kontrabando ang pagkakadakip sa Pamilya Encila at kay Elymar Ancajas, 24.
Nabatid kay Police Brigadier General Debold Sinas, Western Visayas Regional Director, unang inilatag ang operasyon laban kay Ancajas sa inuupahang apartment nito sa Bgy. Inayawan, Cebu City pasado ala-1:00 ng madaling-araw kung saan nasamsam sa kanyang posesyon ang nasa 18-kilo ng shabu.
Nakapaloob umano ang iligal na droga sa malaking plastic bag na puno ng sibuyas upang hindi ma-detect ng drug sniffing dogs ng pulisya.
Sa interogasyon kay Ancajas, isiniwalat nito na galing ang nakuhang mga kontrabando sa bayan ng Consolacion, 19 kilometro ang layo mula sa Cebu.
Target ng ikalawang operasyon ang sinasabing supplier ni Ancajas na si Jocelyn Encila na nakipagtransaksiyon sa poseur-buyer habang ito ay naka-confine sa isang pribadong ospital.
Inatasan umano ni Encila ang undercover narcotic agent na magtungo sa kanyang bahay sa Bgy. Casili para roon kunin ang kunwaring binibiling bulto ng shabu.
Rito na isinagawa ng mga awtoridad ang pagdakip sa mag-asawang Marcial at Marilyn Encila, na magulang ni Jocelyn, makaraan ang transaksiyon at bentahan ng kilu-kilong shabu sa loob ng mismong bahay.
Isinailalim agad sa hospital arrest si Jocelyn habang ito ay nagpapagaling dahil sa sakit sa tiyan.
Itinanggi naman ng mag-asawang Encila na sangkot ang kanilang anak sa drug trade pero, giit ni Sinas batay sa intel report na bahagi ang mag-asawa sa negosyong pinatatakbo ng kanilang anak sa pagsusuplay ng malaking bulto ng shabu sa ilang bahagi ng Consolacion at kalapit na bayan pa nito.
Ipinahayag din ng police official na ang asawa ni Jocelyn na kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa ang siyang umano’y nagpapalakad sa operasyon ng pamilya.





Comments