top of page

Dahilan ng panlalabo ng mga mata

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 4, 2019
  • 3 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 41 year old, nakararanas ako ng parang may ulap sa aking paningin na para itong maambon at nagiging malabo. Dahil dito, madalas naaapektuhan ang aking trabaho. Sa ngayon, hindi pa ako nagsusuot ng salamin sa mata at contact lens. Ano kaya ang sanhi ng pagkakaroon ko ng maambon at malabong paningin? Kinakailangan ko na bang magsalamin? — Nicole

Sagot

Ang pagiging nearsighted, farsighted at astigmatism ang pangu­nahing mga sanhi ng paglabo ng mga mata. Ito ay kadalasang nalulu­nasan sa pamamagitan ng pagtama o pag-adjust ng grado ng lente ng mga mata sa pamama­gitan ng pagsusuot ng salamin subalit, ang panlalabo ng mga mata ay maaaring sintomas din ng mas seryosong problema tulad ng naka­bubulag o sakit sa utak.

Narito ang ilan sa mga karaniwang san­hi ng panlalabo ng mga mata:

  • Myopia — ito ay ang karaniwang sakit sa lente ng mga mata na nagiging dahilan ng panlalabo ng paningin. Ang pagsusuot ng sala­min, contact lens o pag­pa­­paopera ang solusyon dito.

  • Hyperopia — ang hyperopia o farsightedness ay sakit sa mga mata na malinaw na makikita ang bagay na nasa malayo ngunit, hindi maka-focus ang mga mata sa mas malapit na bagay. Sa malalang kaso ng hyperopia kahit na ang malalayong mga bagay ay maaaring maging malabo sa paningin.

  • Astigmatism — ang malabong paningin sa lahat ng anggulo at distansiya ay kadalasang sintomas ng astigmatism. Ang sakit na ito ay kadalasang sanhi ng iregular na hugis ng cornea.

Iba’t ibang uri ng seryosong sakit sa mata:

  • Katarata — ang mga pagbabago sa pani­ngin tulad ng malabo o maambon na paningin ay maaaring sintomas ng katarata. Kung ito ay hindi maaalis, ang katarata ay maaaring makatakip sa paningin hanggang sa mabulag ang pasyente.

  • Glaucoma — ang panlalabo ng paningin o tunnel vision ay maa­aring sintomas ng glaucoma. Kasama sa mga sintomas nito ay ang dahan-dahan o biglaang pagkipot ng paningin. Kung ang glaucoma ay hindi maaagapan, ito ay maaaring maging sanhi ng permanenteng pag­kabulag.

  • Diabetic retinopathy — kung ang pasyente ay diabetic, ang hindi maipaliwanag na panlalabo ng pani­ngin ay dahil sa tina­tawag na diabetic retinopathy o kumplikasyon ng diabetes na sumisira sa retina ng mga mata.

  • High blood at stroke — ang panlalabo at pagdodoble ng pani­ngin ay maaaring sin­tomas ng stroke o pagdurugo sa utak. Ito ay maaaring sintomas ng sakit na multiple sclerosis.

Narito ang mga paraan para hindi ito lumala:

  • Paggamit ng ang­kop na salamin sa mata o contact lens.

  • Bigyan ng pahinga ang mga mata — tumingin sa ibang bagay tuwing ika-15 minuto. Ikurap ang mga mata ng mas madalas para mapanatiling basa ang mga mata.

  • I-focus ang mga mata sa mga bagay na nasa malayo o sa isang bagay na iba ang distansiya kumpara sa mga palaging tiniting­nan sa loob ng 30 segundo. Ang paggawa nito ay makatutulong na maibsan ang tensiyon na dala ng malapitang pagtutok ng mga mata.

  • Gumamit ng ta­mang ilaw — ang pag­ka­pagod at panlalabo ng paningin ay dahil sa hindi tamang liwanag. Maging sobrang dilim o liwanag, ang mga mata ay mapupuwersa para makakita ng maayos. Palitan ang ilaw sa bahay at opisina na komportable ang iyong mga mata.

  • Tigilan ang panini­garilyo — ang taong naninigarilyo ay may mas mataas ang posibi­lidad na magkaroon ng malabong paningin.

  • Matulog ng sapat — ang kakulangan sa tulog at sobrang pagod ng katawan ay direktang nakaaapekto sa pani­ngin. Iwasan ang pagtutok ng mahigit 30 minuto sa screen ng TV, computer o cellphone.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page