Sinita sa pag-ihi sa pader | LOLO BUKING SA SHABU

KALABOSO ang 61-anyos na lalaki makaraang masita ng mga awtoridad matapos umihi sa pader sa isang pampublikong lugar sa Quezon City.
Tinukoy ni Novaliches Police Station (PS 4) commander Lt. Col. Rossel Cejas, ang nadakip na si Rommel Felife Neri Domingo, residente ng Bgy. Sta. Monica, Novaliches.
Alas-10:30 ng gabi nang ilunsad ng mga pulis ang Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) at namataan umano si Domingo na umiihi sa pader sa kahabaan ng Quirino Highway malapit sa kanto ng Shell Villaflor St., Bgy. Gulod, Novaliches.
Nilapitan ng mga pulis si Domingo at hiningi ang kanyang identification card para bigyan siya ng Environmental Violation Receipt (EVR) dahil sa paglabag sa ipinatutupad na ordinansa sa Quezon City.
Gayunman, nang buksan ni Domingo ang kanyang wallet at habang hinahalungkat ito para kunin ang kanyang ID,biglang sumungaw ang plastic sachet ng shabu na ikinagulat ng mga awtoridad.
Agad binitbit ng mga pulis ang naturang senior citizen.
Maliban sa paglabag sa ordinansa ay kinasuhan din si Domingo ng kasong pagdadala o pag-iingat ng iligal na droga.





Comments