Panawagan sa mga motoristang pasaway, paggamit ng wangwang, dome light, blinker at flasher sa daan,
- Ryan B. Sison
- Mar 3, 2019
- 2 min read

MATATANDAANG, noon pa ipinagbawal ang wangwang, ito ay dahil kapag may wangwang, marami ang naghahari-harian sa daan para lamang makalusot sa matinding trapik.
Kaya naman, ngayong malapit na ang election 2019, puspusan na ang mga awtoridad para sa seguridad ng lahat.
Sa katunayan, nasa 11 motorista na ang nasampulan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) kontra sa pinaiigting nilang kampanya na anti-wangwang.
Kasunod ito ng mga reklamo hinggil sa mga kandidatong gumagamit umano nito para sa nalalapit na halalan kahit alam naman nilang bawal.
Gayunman, sa ikinasang operasyon ng HPG sa Quezon City, kabilang umano sa mga hinuli ay ang mga pribadong kotse at motorsiklo na gumagamit ng domelight, blinker at flasher.
Dagdag pa rito, nadamay maging ang mga sasakyan na gumagamit ng hindi awtorisadong vanity plates o ‘yung mga plaka na pine-personalized.
Bagama’t, nahuli ang mga ito ay hindi pa sila pinagmulta kung saan kinumpiska lamang ang kanilang mga wangwang.
Samantala, pagbibigay-diin ni Police Brigadier General Roberto Fajardo, ang hepe ng PNP-HPG, ang mga awtorisadong gumamit ng wangwang at blinker ay ang AFP (Armed Forces of the Philippines), PNP (Philippine National Police) at iba pang law enforcement agencies at mga ambulansiya.
Kaya kung isa kayo sa mga motorista na nagpapasaway sa daan at hindi marunong sumunod sa mga batas, dapat ninyong malaman na ang lahat ng katiwalian ay maaari ninyong pagbayaran, pero kung ayaw ninyong masampulan, ngayon pa lang ay makiisa na kayo para sa payapa at maayos na bayan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments