Umawat sa away | PULIS GINULPI NG 5

KALABOSO ang lima katao kabilang ang security guard matapos pagtulungan bugbugin ang isang pulis na nagtangkang umawat sa isang lalaki na sinasaktan ang isang babae sa Malabon City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Malabon Police Chief Senior Supt. Jessie Tamayao ang mga naarestong suspek na sina John Jay Bonco, 27, security guard; Ian Ajoc, 24; Vincent Jay Carillo, 21; Benjiel Carillo, 25, at Gilbert Polo, 30, pawang mga residente ng Bgy. Tinajeros.
Isinugod naman ng mga barangay official sa ospital si PO2 Johnny Camfoli, 30, nakatalaga sa Malabon Police Community Precinct (PCP) 1.
Ayon kina SPO2 Joselito Bagting at PO2 Phillip Cesar Apostol, pauwi na si PO2 Camfoli sakay ng kanyang motorsiklo habang tinatahak ang kahabaan ng Sisa St., Golden Dale, Bgy. Tinajeros alas-12:30 ng hatinggabi nang makita nito ang isang lalaki na sinasaktan ang isang babae.
Umawat si PO2 Camfoli at nagpakilalang pulis subalit, nagalit sa kanya si Bonco at pinagsusuntok sa mukha ang biktima.
Nang depensahan ng pulis ang kanyang sarili, lumapit ang apat pang mga suspek saka pinagtulungang gulpihin si PO2 Camfoli.
Mabilis namang rumesponde ang mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na kalaunan ay itinurnover sa pulisya at sinampahan ng kasong physical injury at direct assault sa Malabon City Prosecutor’s Office.





Comments