top of page
Pokwang.jpg

Paraan para maiwasan ang lower backpain

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 2, 2019
3 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay senior citizen na kaya nag-retired na ako kamakailan lamang ngunit, hindi ako sanay na walang ginagawa kaya mada­las akong lumalabas at naglilibut-libot sa subdivision namin. Minsan, bumibisita sa bahay ang anak ko kasama ang mga apo ko. Sila ay edad 4,8 at 13 kaya medyo maku­kulit at mahaharot. ‘Yung pinakabata ay mahilig magtata­tak­bo, ang problema medyo sumasakit na ang likod ko, lalo na sa bandang ibaba kaya kahit gusto kong makipaghabulan sa apo ko ay pinanonood ko na lamang sila. Arthritis kaya ito?—

Sagot

Ang lower backpain ay ang pananakit sa ibabang bahagi ng li­kod. Isa itong sintomas o senyales ng karam­daman sa buto, laman, ugat at kasu-kasuan na matatagpuan sa baha­ging ito ng katawan. Madalas na hindi malala ang dahilan ng pananakit na ito at kalimitang nawawala ito nang kusa.

Maraming puwedeng maging dahilan ng pananakit ng likod. Kalimitan na ang sobrang paggamit sa bahaging ito ng likod o maling posisyon ng katawan ang siyang nagdudulot ng matinding pagkapagod sa laman, buto at kasu-kasuan na nararamdaman natin bilang sakit.

Ano ang mga sin­tomas ng pananakit sa likod?

May mga nakaaalar­mang dahilan din na dapat bigyan ng agarang pagsusuri. Ito ay kapag ang dahilan ay im­peksiyon, kanser, pag­kaipit ng ugat o nerve impingement at rayuma sa buto o osteoarthritis.

  • paninigas ng ka­lamnan

  • pamamanhid

  • panghihina

  • pagkawala ng kon­trol sa pag-ihi at pagdumi

  • hirap sa pagtulog

  • madaling mapagod

  • depresyon o pag­kabalisa

  • maaaring mapalala ng pagbubuhat at gumi­ginhawa lamang kapag naipahinga

  • pananakit ng mga hita pababa

Mga dapat gawin para maiwasan ang pananakit ng likod:

  • Kung magbubuhat ng mabibigat na bagay, gawin ito sa wastong paraan. Ibaluktot ang tuhod at panatilihing tuwid ang likod habang binubuhat ang bagay. Panatilihing malapit sa katawan ang bagay habang binubuhat

  • Itulak at huwag hilahin ang mga mabi­bigat na bagay

  • Kung nakaupo nang matagal na oras, siguraduhing mag-inat-inat kada ilang minuto

  • Sa mga babae, mas mainam ang flat shoes o mga sapatos na mababa lang ang heels (1 pulgada o mas mababa)

  • Mag-ehersisyo

  • Tandaan ang tamang postura. Kung uupo, piliin ang mga upuan na tuwid ang likod o kaya ay may low-back support. Panatilihing mas mataas ng kaunti ang tuhod kesa sa balakang. Kung nakatayo, panati­lihing ang balakang, mga tainga, balikat ay nasa tuwid na linya. Ang ulo ay hindi dapat nakayuko o nakatingala.

Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga ng patihaya sa sahig na may unan sa ilalim ng tuhod o kaya ay iangat ang mga tuhod. Ito ay para mabawasan ang timbang sa ating likod na siyang nagdu­dulot ng karagdagang sakit. Maaaring gawin ito ng 1-2 araw para mapahinga ang ating likod, pero importante pa ring maglakad-lakad ng paunti-unti at dahan-dahan kada ilang minuto kahit na masakit dahil ang hindi paggalaw ay nakapagdudulot ng panghihina ng mga kalamnan na maaaring makapagpapatagal sa pagkawala ng sakit. Uminom ng gamot tulad ng paracetamol o ibuprofen kung kaila­ngan. Kung hindi kaya­nin ng mga over-the-counter drug ang pananakit, magpa­kon­sulta upang makakuha ng mas matapang na gamot. Kumonsulta agad sa doktor kung ang sakit ay umabot na hanggang mga hita pababa sa inyong mga binti; may pamaman­hid ng mga hita, paa, bahagi ng ari at pu­witan; may pagkawala ng kontrol sa pagdu­mi at pag-ihi; hindi na makakilos nang mabu­ti sa sobrang pana­nakit; hindi gumi­gin­hawa pagkatapos ng 2-3 linggo; may ka­akibat na paninikip ng dibdib at biglaang panghihina ng mga hita, paa at binti.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page