Kung maaaring pigilan ang natural na pagdaloy ng tubig na nanggagaling sa sapa
- BULGAR

- Mar 1, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Mayroon akong maliit na lupang sinasaka sa probinsiya ngunit, ‘yung may-ari ng lupain sa ibaba ng lupain ko ay naglagay ng hollow blocks sa pagitan ng lupain naming dalawa upang mapigilan ang daloy ng tubig na nanggagaling sa sapa papunta sa kanyang lupain. Ang resulta nito ay naiipon sa lupain ko ang tubig kaya nasisira ang aking mga pananim. Tama ba ito? — Peter
Dear Peter,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Article 637 ng Civil Code kung saan nakasaad na:
“Article 637. Lower estates are obliged to receive the waters which naturally and without the intervention of man descend from the higher estates, as well as the stones or earth which they carry with them.
The owner of the lower estate cannot construct works which will impede this easement; neither can the owner of the higher estate make works which will increase the burden. (552)” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, obligasyon ng may-ari ng nasa ibabang lupain na tanggapin ang tubig na natural na dumadaloy papunta rito mula sa mataas na lupain. Higit pa rito, hindi rin maaaring magtayo ng anumang pangharang sa natural na pagdaloy ng tubig ang may-ari ng nasa ibabang lupain kapag nakapagdudulot ito ng pinsala sa nasa itaas na lupain. Sa inyong kaso, dahil natural na nanggagaling sa sapa ang tubig, hindi maaaring harangan ng may-ari ng nasa ibabang lupa ang tubig na natural na dumadaloy papunta sa kanyang lupain kapag ito ay nakapipinsala sa inyo. Kung ipagpapatuloy ng may-ari ng mababang lupain ang kanyang ginagawa, maaari ninyong idulog ang inyong hinaing una muna sa barangay hanggang ito ay makarating sa hukuman upang mapanagot ang may-ari ng mababang lupain sa pinsalang idinulot ng kanyang pagharang sa natural na daloy ng tubig sa inyong lupain.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments