March na bukas, mga kandidato, ngaragan na!

HULING araw na ng Pebrero.
Bukas ay Marso na kaya ngarag na naman ang mga kandidato.
Ginagalingan na nila kaya sari-saring survey na naman ang lumilitaw!
◘◘◘
HINDI magkandatuto ang ibang mga nasa Magic 12 kaya marami sa kanila ay kayod-kalabaw sa pag-ikut-ikot sa mga lalawigan.
Bugbog na bugbog naman ang social media sa sangkatutak na diskarte ng trolls.
He-he-he!
◘◘◘
SA Pasay City, natapos na ang tatlong termino ni Mayor Antonio Calixto, pero sasabak siya bilang kongresista.
Buwenas si Calixto dahil apat ang kanyang katunggali sa congressional post!
◘◘◘
SA huling survey ng SWS, nakopo ni Calixto ang 86 porsiyento, samantalang, nagkasya sa 6 percent si Efren Alas at 3 percent si Elmer Mitra.
Hinamon naman ng kapatid ni Sharon Cuneta na si Chet Cuneta ang kapatid ni Calixto na si Rep. Emi Calixto-Rubiano sa mayoralty race.
Pero, nakopo lang ni Cuneta ang 14 percent laban sa 81 porsiyento ni Rubiano, samantalang, may 3 percent si dating Pasay City Prosecutor Edward Togonon!
◘◘◘
MATITINDI rin ang kampanyahan sa partylist at kani-kanya ring gimik.
Sa totoo lang, kailangan lamang ng halos kalahating milyong boto ang isang partylist upang makatiyak ng kahit isang posisyon sa Kongreso!
◘◘◘
BATAY sa partylist system, obligado ang Comelec na magproklama ng 60 kongresista mula sa grupo ng mga partylist candidate.
Dahil d’yan, ipatutupad na lamang ng Comelec ang “ranking system” upang makapagproklama ng 60 partylist representatives!
◘◘◘
ISANG taktika ng mga partylist ang tumutok na lamang sa kanilang mga balwarte para matiyak na makalilikom sila ng pinakamaliiit na 500, 000 boto.
Kapag napaabot sa isang milyong boto, ang partylist ay magkakaroon ng dalawa o tatlong kongresista sa kanilang hanay!
◘◘◘
MAHALAGA ang bilang ng 60 kongresista dahil tatalakayin sa susunod na kongreso ang kontrobersiyal na Pederalismo, pagbabago ng Konstitusyon at pagbabago sa pangalan ng Pilipinas.
Kung makokontrol ng mga kandidato ni P-Digong ang Kongreso, maaaring maging bagong pangalan ng Pilipinas ay “Maharlika”!





Comments