ANTIQUE, NAKA-4 GOLD NA; BOHOL TANKERS, 3 GOLD DIN


ILOILO CITY—Ikinuwintas ni Guilliver Clive Clemente ng Antique ang pang-apat na gintong medalya kahapon sa Visayas Leg ng 2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy sa Iloilo Sports Complex
Ikinampay ni Clemente, 14, ang 200m breaststroke matapos irehistro ang tiyempong 2 minuto at 37.46 segundo para idagdag sa tatlong nasilong ginto sa 400m individual medley, 50m breast at 200m IM.
Pagkakataon ng Grade 8 student sa Antique National School, Clemente na mahablot ang pang-lima, paglangoy nito sa 100m IM ngayong araw.
Nasama si Clemente sa elite group na may apat na gold medal na nahablot sa archery, ito’y sina Naina Dominique Tagle at Prisa Heren Lofranco ng Dumaguete, Aldrener Igot, Jr. ng Cebu City at Godwell Maloloy-on ng Mandaue.
Hinakot nina Tagle at Igot ang lahat ng gold sa 30m, 40m, 50m at 60m sa boys’ at girls’ cub division, ganun din sina Lofranco at Maloloy-on sa cadet class.
May tsansa ang apat na archers na pumana ng tig-7 gold medals kapag nagwagi sila sa mixed team, team at Olympic Round events ngayong araw.
Kumalawit sina Coby Marcus Rivilla ng Ormoc at Anthony Jude Presas ng Tagbilaran ng tigatlong gold sa swimming boys 12-under 100m backstroke at boys 15-under 400m freestyle, ayon sa pagkakasunod.
Ipinasa ni Rivilla ang oras na 1:17.84 upang ungusan sina John Sylvester Dequna (1:23.26) ng Tagbilaran at Amare Kobe Guadayo (1:28.40) ng Ormoc.
Inilista ni Presas ang oras na 4:42.91, second si Renji de Miguel (4:59.67) ng Negros Occidental habang pangatlo si Ralph Joshua Monje (5:01.51) ng Bohol. Nilangoy ni Alexi Kouzenye Cabayaran ang 3rd gold sa girls’ 13-15 100m backstroke, (1:10.64). (ATD)





Comments