top of page
Pokwang.jpg

Trabahong para sa mga Pinoy, oks lang ibigay sa mga Chinese, tsk-tsk-tsk!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 27, 2019
2 min read

TALAGANG gustong ibigay na lang ang lahat sa China. Parang ganito ang “basa” ng marami sa pahayag ni Pa­ngu­long Rodrigo Duterte na pabayaan na lang ang mga taga-China na iligal na nagtatrabaho sa Pilipinas dahil kung paaalisin daw ang undocumented Chinese workers ay may 300,000 Pili­pi­no na nagtatrabaho sa China ang maaa­ring maapektuhan at baka sila naman ang paalisin o parang sinasabing posibleng bawian tayo ng China. Kaya ‘yan, tiklop na naman sa China.

Hindi ito sinang-ayunan ng ilang senador. Kapag iligal na nagtatrabaho ang sinumang dayuhan ay dapat ipatupad pa rin ang mga batas hinggil sa imigrasyon at pagtatrabaho. Sigura­do tayong kung may mahuling mga Pinoy na iligal na nagtatrabaho sa China ay haharap din ang mga ito sa batas ng China. Alam nating pagda­ting sa batas ay hindi mapagpatawad ang China dahil tunay nila itong ipatutu­pad. Kaya nagtataka tayo sa pahayag ni P-Duterte. Tila binigyan na niya ng pahintulot ang mga Chinese na magtrabaho na lang sa bansa kahit ili­gal at maagawan man nila ng trabaho ang mga Pilipino. Kaya ba naglabas ng pahayag ang Palasyo na haharap ang sinu­mang dayuhan na lumabag sa mga batas-imigrasyon ng bansa dahil sa mga pahayag na naman ng pangulo? Isa pa, una sa lahat, kung undocumented workers ang Chinese, paano sila nakapasok? Hindi kaya dapat din nating imbestigahan ang imigrasyon?

◘◘◘

Mayroon na naman palang ba­gong pamamaraan para makapag­pasok ng iligal na droga sa bansa? Ilang mga palutang-lutang na bigkis o bloke-blokeng pakete ng cocaine ang natagpuan sa karagatan ng Dinagat at Siargao at maging sa Surigao del Sur, Camarines Norte at Quezon. Ang pinakabagong nadiskubre ay sa Caraga, Davao Oriental. Ang hinala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), hinahango ng mga sindikato ang droga sa karagatan at dinadala sa Hong Kong, Taiwan at China at nataon lamang na naunahan sila ng mga Pilipinong mangingisda na makita ang mga paketeng ito pero, sa ganyang paliwanag ng PDEA, lumalabas na sa bansa mismo nang­ga­ga­ling ang mga droga. Ganyan na ba karami ang suplay ng cocaine sa Pilipinas para magsuplay na rin ng droga sa ibang bansa? Suplayer o manufacturer na rin ba ng cocaine ang Pilipinas sa Asya? Hindi ba, dapat ito ang mas binigyang-atensiyon at tinutugis?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page