78 taong gulang na babae, napagkamalang mandurukot matapos sapilitang kunin ang dalawang bata dahil
- Ryan B. Sison
- Feb 27, 2019
- 2 min read

KASUNOD ng isyu hinggil sa mga nandurukot ng bata sa iba’t ibang panig ng bansa, kamakailan ay may inarestong lola na nasa edad 78 dahil umano sa sapilitang paghila sa dalawang bata sa Barangay Jesus dela Peña, Marikina City.
Gayunman, agad naman itong itinanggi ng anak ng nasabing lola, aniya, hindi umano totoo na nangunguha ng bata ang kanyang ina, bagama’t, hindi niya maitatanggi ang ginawa nito dahil dumaranas ito ng Alzheimer’s disease.
Dagdag pa rito, noong nakaraang mga araw pa nawawala ang nasabing matandang babae at inaakala umano nito na ang bawat batang kanyang nakikita ay apo niya.
Sa ngayon ay kinasuhan ang lola ng attempted abduction at ikinulong sa Marikina police detention cell.
Sa totoo lang, hindi rin natin masisisi ang mga magulang ng mga batang nabiktima dahil sa takot na kanilang naramdaman sa mga panahong ‘yun, lalo na at hindi nila kilala ang matanda, pero kung talagang inosente ang lola, kailangan itong maimbestigahan nang mabuti ng mga awtoridad nang sa gayun ay malinis ang kanyang pangalan at hindi siya husgahan ng ibang tao.
Ito ay dahil matapos mai-post ang nasabing balita ay maraming netizens ang nagbato ng kani-kanyang opinyon na karamihan ay hindi maganda at nakasasakit talaga.
Kaya sa mga pamilya na mayroong kamag-anak na nakararanas ng Alzheimer’s disease, mainam kung babantayan natin sila nang mabuti nang sa gayun ay hindi sila napagkakamalang kriminal o kaya ay hindi sila mapahamak sa kamay ng mga taong walang pakialam.
Gayundin, paulit-ulit nating ipinaaalala sa lahat na bantayang mabuti ang mga anak nang sa gayun ay maging handa tayo sa mga taong nagdudulot ng kapahamakan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments