Oks lang naman daw sa GF... RAYVER AT JANINE, SA SEMENTERYO NAG-DATE NUNG V-DAY


BALIK-TRABAHO na si Rayver Cruz matapos ang pagpanaw ng kanyang inang si Beth Cruz noong Feb. 2. Nagte-taping na siya ng Asawa Ko, Karibal Ko, ang first teleserye niya sa GMA-7 na ngayon ay malapit nang magtapos.
Malungkot pa rin si Rayver pero aniya, mas nakabubuti sa kanya na nagtatrabaho dahil ‘pag nasa bahay siya ay lagi niyang naaalala ang ina.
“Bawat kanto, bawat sulok, naaalala mo siya, eh. Tapos, ang tahimik, hindi mo marinig ang boses niya. Malungkot pa rin. Kapag nadadatnan minsan, umiiyak kami kay RJ (Rodjun), pero ganu’n talaga. Ang importante, nasa magandang lugar na siya,” pahayag ni Rayver sa press na bumisita sa taping last week.
Para namang pinagtiyap ng pagkakataon, habang nakikipaglaban ang mommy niya sa pancreatic cancer noong Enero, sa kuwento ng AKKK ay namatay din ang kanyang ina na ginagampanan ni Alma Moreno.
Grabe ang emosyon ni Rayver sa eksenang ‘yun dahil that time nga ay na-diagnose na ng Stage 4 cancer ang ina.
“Mahirap, pero as an actor siyempre, kung ano ‘yung hinihingi sa ‘yo, ‘yun ang ibibigay mo. Aaminin ko, mabilis akong nakaiyak lalo kasi siyempre, mabigat ‘yung pinagdaraanan ko sa personal life ko. And nu’ng time na ‘yun, nasa ospital pa si Mama, pero namatay na ‘yung nanay ko sa eksena, so, ang hirap din.”
During the toughest time, sobrang thankful naman si Rayver na nandu’n si Janine Gutierrez para umalalay sa kanya.
“Lagi siyang nandu’n and sakto lang din na hindi pa nag-i-start ‘yung Dragon Lady (upcoming drama series ni Janine), nakaalalay siya. Grabe ‘yung support niya sa akin at sa family ko.
“Happy lang din ako na nagkasama sila ni Mama, nakilala pa niya si Mama. And sobrang thankful ako na nandiyan siya kasi mahirap, eh. Ang hirap i-explain, masyadong mabigat ‘yung mga nangyari last month.
“So, importante sa akin, nandiyan siya. Nandiyan ‘yung mga kapatid ko, pero ‘yung nandiyan din siya, malaking bagay,” sabi ni Rayver.
Hindi lang si Janine kundi pati ang buong pamilya nito ay nandu’n din tulad ng mga kapatid ng aktres at mga magulang na sina Lotlot de Leon at Ramon Christopher Gutierrez, kaya sobrang thankful ni Rayver.
Dahil kamamatay lang ng kanyang ina, ani Rayver ay hindi sila nakapag-date ni Janine noong Valentine’s Day at ang ginawa lang nila ay nagpunta sa puntod ng mommy niya.
Utang na lang daw muna ang date at umokey naman agad si Janine nang yayain niya sa puntod ng ina kasama rin si Rodjun at fiancée nitong si Dianne Medina.
Ani Rayver, sa tuwing sasapit ang Valentine’s Day ay binibigyan din nila ng flowers ang mommy nila at ito ang unang Araw ng mga Puso na wala ito.
Mabigat daw ang taong ito dahil lahat ng events ng pamilya tulad ng birthday nila or Pasko, lahat ay “first” na wala na ang mommy nila.
Samantala, hindi na makakalimutan ni Rayver ang AKKK bilang ito ang first show niya sa GMA-7 at sobrang blessed daw siya na napasama siya sa seryeng ito. Naging napakaganda raw ng samahan nila ng buong AKKK team at happy siya na nakatrabaho sina Kris Bernal, Thea Tolentino, Direk Mark Sicat dela Cruz and the rest of the cast.





Comments