Pambu-bully, nakunan sa video | 11 years old na babae, 7 beses na sinampal ng mga kaibigan!

KAHIT kailan, ang “BULLYING” ay hindi dapat kinukunsinte ninuman dahil isa ito sa mga dahilan kaya maraming indibidwal ang nagkakaroon ng depresyon at kinikitil ang sarili nilang buhay.
Sa isyung ito, mayroon tayong nakapanayam na ina kung saan biktima ang kanyang anak na edad 11 ng pambu-bully ng mismo nitong mga kaibigan.
Base sa kuwento ng ina ng biktima, dahil umano sa murang edad ng kanyang anak ay madali itong nauuto at napapasunod ng kanyang mga kaibigan na nasa mga edad 12, 14 at 18 kung saan maging ang mga personal na gamit nito ay kaya nilang pakialaman tulad ng cellphone at maging ang social media accounts.
Aniya, malihim ang kanyang anak kaya inaakala niyang itinatrato ito nang maayos ng mga kaibigan ngunit, dahil sa “group chat” ay nakita umano niya ang tunay na pag-uugali ng mga ito kung saan nakunan sa video kung paano pinagsasampal nang malakas ang kanyang anak na umabot umano sa 7 beses.
Kahit sinong magulang, kung makapanonood ng ganito na ang biktima ay ang kanyang anak, tiyak na may halong panggigigil, galit at pagsisisi ang kanyang mararamdaman.
Kaya naman nakalulungkot dahil imbes na naglalaro at inosente pa ang kabataan ay nakagagawa na sila ng mga bagay na hindi maganda at maaaring magmitsa ng kamatayan.
Gayunman, marami pa ring mga magulang ang binabalewala ang ganitong mga posibleng sitwasyon kaya hanggang ngayon, mayroon pa ring nagiging biktima ng pang-aabuso.
Matatandaang, sa nagdaang mga taon, ilang kaso na ng pambu-bully ang ating nasaksihan kung saan mayroong sinaktan sa salita, pisikal at ‘yung iba dahil hindi na kinaya ang pananakit sa kanila kaya mas pinili na lang na manahimik, habambuhay.
Ang tanong, sino ba ang higit na may pagkukulang at paano ba natin ito maiiwasan?
Bagama’t, hindi madali ay dapat maging handa tayo sa mga pangyayaring tulad nito, kaya sa mga magulang, ang panawagan natin ay bantayan ninyo ang inyong mga anak at kilalanin ninyo kung sino ang kanilang mga nakasasalamuha, gayundin turuan ninyo sila ng magandang-asal na dapat ay nagsisimula sa loob ng bahay.
Huwag tayong magbingi-bingihan o magbulag-bulagan dahil totoong iba na ang henerasyon ngayon at ‘yun ay dapat nating bigyang-pansin dahil kung hindi, maaari ang isa sa ating mga mahal sa buhay ang maging biktima nang walang kalaban-laban.
Samantala, hiling natin na mapagbayaran ng mga kabataang nanakit ang kanilang ginawa sa biktima nang sa gayun ay madisiplina sila.
STOP BULLYING!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments