Nag-aaral sa panaginip
- BULGAR

- Feb 25, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Rey ng Rey _Tapz@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang kahulugan na nag-aaral ako sa aking panaginip?
Naghihintay,
Rey
Sa iyo Rey,
Tuwing graduation ay tuwang-tuwa ang mga estudyanteng tatangap ng diploma. May mga senaryo na inihahagis pa nila ang kanilang mga toga at marami sa kanila ay makikitang lumuluha sa sobrang kagalakan.
Ang magkakabarkada ay nagyayakapan kung saan kahit sobrang haba ng seremonya at sobrang init ng kanilang gown at gutom na gutom na sila ay makikitang mga nakangiti pa rin.
Ang mga magulang naman ay mas malakas pa ang iyak kaysa sa kanilang mga anak at halos hindi makapagsalita sa sobrang tuwa.
Ang mga guro, kung gaano kasaya ang mga estudyante ay ganundin sila. Marami rin ang mga gurong naiiyak dahil saksi sila sa maraming taon na naghirap ang kanilang mga mag-aaral.
Sa kabila ng malakas na palakpakan at hiyawan habang nag-iiyakan sa galak, naroon pa rin ang katotohanan na ang pag-aaral ay hindi natatapos sa pagtanggap ng diploma.
Sabi ni Albert Einstein, “don’t be afraid to ask question.” Aniya, dapat malaman ng tao na ang buhay ay walang katapusang pag-aaral.
Tulad ng tanong mo na nanaginip ka na ikaw ay nag-aaral? Isa ito sa mga patunay tungkol sa sinabi ni Einstein.
Ito rin ay patunay na may kailangan ka pang matutunan sa iyong buhay at may mga bagay ka pang hindi alam. Hindi lang ikaw ang dapat na may matutunan dahil ang lahat ay gayundin, kumbaga, tayong lahat ay habambuhay na magiging estudyante.
Ito rin mismo ang mensaheng gustong ipaabot sa iyo ng iyong panaginip na pag-aralan mo ang lahat ng nangyayari sa iyong buhay dahil ang gusto ng panaginip mo ay magtagumpay ka.
Ang mga matagumpay na tao, sila na nagtatamasa ng very successful life kapag tinanong mo ay aamin sa iyo na kaya sila naging matagumpay ay dahil pinag-aaralan nila ang kanilang nakaraan, kasalukuyan at ang posibleng mangyari sa hinaharap.
Kaya, muli, pag-aralan mo ang lahat ng nangyayari sa buhay mo dahil ito ang sikreto para magkaroon ka ng magandang kinabukasan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments