Lalaki nahulihan ng granada sa MRT

ARESTADO ang 29-anyos na lalaki makaraang makumpiska mula sa kanya ang isang granada habang dumaraan sa inspection area ng MRT Line 3 kamakalawa ng gabi.
Batay sa paunang impormasyon mula sa Department of Transportation at MRT 3 management, alas-7:10 ng gabi nang makita sa bagahe ni Christian Guzman ang live grenade nang sasakay sana ito sa Cubao Station.
Nakabalot umano ng packaging tape na ipinasok sa kahon ng cellphone ang nasabing granada.
Agad na ipinabatid ng mga security personnel ng MRT 3 sa mga nakatalagang pulis sa lugar ang nadiskubreng pampasabog.
Nahaharap si Guzman sa kasong paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Ammunition and Explosive makaraang isalang sa inquest sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Muling binigyang-diin ng DOTr at pamunuan ng MRT 3 na mahigpit ang kanilang pagpapatupad ng security measures kaya kailangan din ang pang-unawa ng publiko sa mga pagharang sa mga bagay na posibleng maglagay sa panganib sa mga pasahero.
Umapela rin ang ahensiya na maging mapagmatiyag at agad na isumbong sa mga awtoridad kung may matutukoy na kaduda-dudang gamit, aktibidad o indibidwal sa loob ng mga tren o sa mga istasyon.





Comments