LADY TIGRESSES, TINIGPAS ANG UP TAMARAWS, IMAKULADA ANG LARO


BUMAWI ang University of Santo Tomas sa natamong kabiguan sa nakaraan nilang laro matapos padapain ang dating namumunong University of the Philippines, 21-25, 25-22, 25-16, 25-20, kahapon sa women’s division ng UAAP Season 81 Volleyball Tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Nakabangon ang Golden Tigresses mula sa 25-21, 25-18, 16-25, 25-22 kabiguan sa Ateneo upang umangat 2nd place kasunod ng namumunong De La Salle (2-0) sa markang 2-1, panalo-talo kapantay ng kanilang biktima.
Muling nag-deliver para sa Tigresses sina Sisi Rondina, Milena Alessandrini at rookie Eya Laure. Tumapos na topscorer para sa tropa ni coach Kungfu Reyes si Alessandrini na may 22 puntos na kinabibilangan ng 19 kills at 3 digs.Mistulang nakabawi rin ang UST sa kanilang Philippine Superliga Collegiate Grand Slam finals tormentor na naglarong wala ang starting setter na si Ayel Estranero na nabiktima ng “food poisoning”.
Sa naunang dalawang laro sa men’s division, napanatili ng Far Eastern University ang malinis nilang kartada habang nakabalik din sa win column ang Tigers upang makumpleto ang twin kill ng UST makaraang magsipagwagi sa kani-kanilang katunggali.
Nag-deliver sa closing stretch ang beteranong setter na si Owen Suarez upang tulungang ipanalo ang Far Eastern University, 20-25, 25-22, 25-22, 20-25, 16-14, kontra Ateneo de Manila University. (VA)





Comments