Iba't ibang prebilehiyong matatangap ng accredited ubban poor organization
- Alvin Feliciano
- Feb 25, 2019
- 2 min read

MAINAM na iparehistro o ipa-accredit natin ang ating mga organisasyon, alyansa o pederasyon sa Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP upang maunang makatanggap ng iba’t ibang benepisyo mula sa gobyerno.
Para sa inyong kaalaman, maraming prebilehiyong matatanggap ang accredited urban poor organization lalung-lalo na sa pagbibigay-tugon sa ating mga pangangailangan, partikular na sa isyu ng demolisyon o ebiksiyon.
Pawang mga accredited urban poor organization din ang unang makatatanggap ng three priority programs ng PCUP na binubuo ng PCUP Caravan, Adopt an Urban Poor Community at Urban Poor Privilege Card na siya namang tinalakay natin nitong nakaraang lingo
Tanong: Isa akong lider ng Urban Poor Organization sa Quezon City ngunit , hindi pa accredited ng PCUP ang aming samahan. Nais kong malaman kung anu-ano ang mga hakbangin at requirement na dapat naming sundin at ipasa sa inyong ahensiya para maiparehistro at ma-accredit ang aming organisasyon?
Sagot
Una, nabibigyan ng prayoridad sa accreditation ang mga organisasyon na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC), Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), Department of Labor and Employment (DOLE), Cooperative Development Authority (CDA) at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Pangalawa, ipasa lamang sa tanggapan ng PCUP ang mga sumusunod: (1) Accomplished Application Form (2) List of Officers with photo, address, phone numbers (3) List of Members with signature (4) Brief History of Organization (5) Copy on Constitution and By-Laws (CBL) (6) Minutes of CBL Adoption (7) Copy of Certificate of Registration with SEC, HLURB, DOLE, CDA etc. (optional) at (8) Php 100 for Application Fee
Maaari rin nating puntahan ang mga area coordinator sa ating lugar upang mabigyan tayo ng assistance sa ating accreditation. Siguraduhin lamang na kumpleto ang requirements upang mapabilis ang proseso at hindi ma-deny ang application.
Muli, mas makabubuting iparehistro at ipa-accredit natin ang ating organisasyon upang maging una sa listahan ng mga magiging benepisaryo ng three priority programs ng PCUP at agarang mabigyan ng solusyon ang mga isyu na kinahaharap ng ating organisasyon o ng ating mga miyembro.





Comments