Digong sa trapik sa EDSA | KASALANAN NG KONGRESO
- Mylene Alfonso
- Feb 25, 2019
- 2 min read

IPINAGMALAKI ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang natupad ang mga ipinangako nito noong eleksiyon maliban na lamang sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa EDSA.
“Wala akong pangako na hindi ko natupad except ‘yang traffic sa EDSA. Nangako ako ng free tuition nandyan na ang batas, nangako ako ng free universal healthcare, pirmado ko na ang batas,” ani Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Biñan City, Laguna kamakalawa.
“Ano pa naman ang gusto? ‘Yung Pantawid, sabi ko itutuloy ko. Saan kukunin? Nandiyan sa TRAIN Law lahat ‘yan,” dagdag pa ng pangulo.
Kaugnay nito, isinisi ni Pangulong Duterte sa Kongreso dahil hindi siya pinagkalooban ng emergency power upang maresolba ang problema sa trapiko sa EDSA.
“Sabi ko I have to have the authority, kagaya ‘yung binigay kay (former President) Cory (Aquino) nu’ng sa — Ramos, ‘yung electricity. So, they were given extraordinary powers. Ako naman sabi ko, hindi ko sinabing walang bidding. I said I would need money to repair or rehabilitate or do away with the present situation,” ayon pa sa pangulo.
“So, nu’ng narinig ko sa Congress. Hindi sila. ‘Ah, hindi puwede ‘to baka, you know, ang graft and corruption papasok dito.’,” sabi pa ng pangulo.
“Kaya ang EDSA hanggang ngayon, ‘yan, wala akong magawa. Pero never did I ask money na sabihin na walang bidding-bidding,” katuwiran pa ni Pangulong Duterte.
Binanggit din ng pangulo sa kanyang talumpati ang pagkakapasa ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, maging ang status ng Build, Build, Build Infrastructure Program.
“Iyong Build, Build, Build ko? Pero hindi ako nangako niyan. Hindi niyo narinig sa bunganga ko ‘yan. Pagkatapos na lang nu’ng sigurado nang manalo ako kasi malaking pera. Iyong akin, simple lang,” pahayag nito.
“Sabi ko, infrastructure, ‘yung eskuwelahan. Iyong mga maestra, ilan ‘yan? Pantawid. Universal. Puro libre na lahat. Ang hindi na lang ninyo hiningi ‘yung bay** ko,” dagdag pa ng pangulo na umani ng tawanan mula sa audience.





Comments