Paalala sa mga kandidato, campaign materials sa LRT at iba pang transport system, bawal!

MATATANDAANG, bago pa magsimula ang campaign period ay nagpaalala na ang Comelec sa mga kandidato na baklasin ang kanilang mga campaign material para hindi umano sila ma-disqualify sa pagtakbo.
Pero, tila yata balewala pa rin sa iba ang pagpapaalalang ito kung saan mayroon pa ring nakalulusot ng mga ‘epalitiko’.
Naungkat ang isyung ito matapos makakita ng posters ng isa sa mga senatorial candidate na tatakbo para sa nalalapit na halalan.
Gayunman, ayon sa Commission on Elections (Comelec), bawal na ang paglalagay ng campaign materials sa mga pasilidad ng Light Rail Transit (LRT) at maging sa iba pang transport system.
Alinsunod din ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ipinagbawal niya ang anumang campaign materials sa mga imprastrukturang pagmamay-ari ng pamahalaan, lalo na kung gagamitin ito para sa election propaganda.
Samantala, tiniyak ni Comelec Spokesman James Jimenez na makikipag-ugnayan sila sa Department of Transportation tungkol sa isyu ng campaign posters ng nasabing senatorial candidate.
Kaya naman para sa mga kandidatong tumatakbo, sunud-sunod din ‘pag may time!
Paano kayo iboboto kung sa simpleng utos pa lang, eh, wala na kayong pakialam?
Sa totoo lang, hindi n’yo naman kailangang magpakitang-tao, ang hinihingi lang sa inyo ay kooperasyon para sa mas magandang takbo ng eleksiyon.
Gayundin, ang panawagan natin sa publiko, kung may makikitang posters na may mukha at pangalan ng mga kandidato kahit ipinagbabawal na ito, huwag matakot na magsumbong o makipagtulungan sa Comelec o gobyerno.
Patunayan natin na ngayong 2019 Midterm Elections, hindi na uubra ang mga ‘epalitiko’!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments