top of page
Pokwang.jpg

MAKER, INIHAW ANG HAWKS, LEONARD, IPINAHIYA ANG SPURS

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 24, 2019
2 min read

NAKAPAGSALPAK si Thon Maker ng tiebreaking 3 puntos sa may nalalabing 17.1 segundo nang tigpasin ng bisitang Detroit Pistons ang Atlanta Hawks, 125-122 sa NBA game kahapon.

Napasahan ng bola si Maker mula kay Reggie Jackson at kalmanteng isina­laksak ang isang tres puntos, ikatlo niyang tres ng gabing iyon, para sa 9 na puntos sa natu­rang game. May dalawang tirada ang Hawks para ipatas ang laro. Sumablay si Trae Young sa tres puntos na tangka niya sa nalalabing 10.5 segundo. Sumunggab si John Collins ng Atlanta ng rebound at saka ipinasa kay Vince Carter na sumablay sa 5 se­gundong nalalabi. Nakapag-rebound si Andre Drum­mond para sa Pistons nang tumikada ang busina.

Samantala sa iba pang laro nakagawa si Kawhi Leonard ng 25 puntos at umiskor ng go-ahead dunk makaraang makanakaw ng bola sa 15.1 segundo na nalalabi bago nagawang padapain ng Toronto Raptors ang dati niyang team na bumibisitang San Antonio Spurs, 120-117.

Nakabas­ket si dating Raptor DeMar DeRozan ng 23 puntos at 8 assists sa una niyang laro sa Toronto mula noong off­season trade sa Spurs.

Dumagdag si Pascal Siakam ng 22 puntos habang si Serge Ibaka ay may 13 puntos at season-high 15 rebounds. May tig-17 puntos na nagawa si Kyle Lowry at Danny Green at may 11 puntos si Jeremy Lin para sa Toronto.

Nakabakas si Marco Belinelli ng 21 puntos sa limang tres puntos para sa Spurs, may 16 puntos si Da­vis Bertans, may 15 si Patty Mills habang si Rudy Gay ay may 12 puntos at 10 rebounds.

Umiskor si Paul George ng 45 points, upang iangat ang Oklahoma City Thunder sa 148-147 win laban sa dumayong Utah Jazz. Na-foul out si Russell West­brook sa unang over­time kaya binalikat ni George ang laro. (MC / ATD)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page