Kahit kabi-kabila ang gulo sa bansa, pananampalataya ng mamamayan, 'di dapat mawala
- BULGAR

- Feb 24, 2019
- 3 min read
“TAYO ay may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin at naniniwala sa mga bagay na hindi natin nakikita.” (Hebreo 11, 1-7)
Ano ang nakikita natin ngayon?
Una, tuluy-tuloy ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea at tila walang ginagawa ang pamahalaan tungkol dito.
Pangalawa, bagama’t, hindi na masyadong iniuulat ang EJK, patuloy pa rin ang karahasan at pagpatay dahil sa ‘war on drugs’.
Pangatlo, hindi pa rin ibinabalik ang Coco Levy funds sa mga magsasaka.
Pang-apat, mayroon pa ring endo at hindi sapat ang sahod ng karamihan ng manggagawa.
Panlima, hindi ipinatutupad ang tunay na reporma sa lupa, maging sa lalawigan o mga lungsod. Ito marahil ang dahilan ng paghina ng sektor ng sakahan kaya pabigat nang pabigat ang pag-asa natin sa importasyon ng bigas.
Pang-anim, marami nang pambabastos at pagbabantang ibinato at ibinabato sa Simbahan sa kabila ng hindi nalulutas na pagpatay ng tatlong paring sina Padre Paez, Ventura at Nilo (PAVENIL).
Pampito, pinatawad at pinakawalan ang mga mandarambong. Nakabalik na ang marami sa politika at tumatakbo pa ngayon. Milyun-milyon ang kanilang ninakaw, samantalang, ang mga “maliliit na nagnakaw”, nagtitiis sa mga masikip na kulungan.
Pangwalo, pinalalaki at isinisingit ang ‘pork barrel’ para “happy ang lahat.”
Pangsiyam, pinahihina at sinisira ang mga institusyon tulad ng Kongreso at Korte Suprema. Kailangang sirain ang Senado para mawala ang “check and balance” at ma-zero ang oposisyon sa pamahalaan ng wala nang magtatanong, tututol sa katiwalian at ganap na sunud-sunuran ang lahat.
Sa pagtatapos, nais nating anyayahan ang lahat na ipikit ang mga mata upang manalangin:
Panginoon, hindi po namin nakikita ang lihim at tahimik ninyong pagkilos sa kabila ng laganap na kadiliman, kabastusan at pang-iinsulto sa Simbahan, karahasan, kasinungalingan at maling paggamit sa social media at kasakiman.
Totoong napakamanhid, nakapanlalabo ng paningin at isipan ang kasamaan, nakapanghihina at pumapatay ito ng pag-asa, ngunit, huwag po Ninyong pahintulutang manghina at mawala ang aming pananampalataya. Opo, nakikita namin ang Inyong pagkilos at pagkalinga sa amin sa mga sumusunod.
Hindi tumitigil at lalo pang lumalaban ang mga magigiting na mamamayang tapat kay Inang Bayan sa paglaban sa pananakop ng Tsina sa West Philippine Sea. Basbasan at palalimin pa Ninyo ang pananampalataya nina Chief Justice Lucas Bersamin at ang mga lumalaban para sa kasarinlan.
Pinatatakbo Ninyo ang mga mabubuti, malilinis at mahuhusay na kandidato na may wagas na hangaring paglingkuran ang Inang Bayan. Protektahan, palakasin at palagi Ninyo silang gabayan at pakilusin ang mamamayan upang sila ay suportahan. Palakasin po Ninyo ang aming pananampalataya.
Nawa’y dumami ang mga mulat at matatapang na netizen na lumalaban sa kasinungalingan at panggigipit sa social media ng trolls. Palaganapin Ninyo ang Inyong katotohanan at kaliwanagan sa social media.
Salamat po sa mga lider ng iba’t ibang pananampalataya na hindi natatakot at nananahimik. Salamat sa mga Kristiyanong Ebangheliko at iba pang mga grupo at indibidwal ng Coalition for Justice, sa CBCP lalo na kina Archbishop Soc Villegas, Bishop Ambo David, Bishop Broderick Pabillo, Bishop Ruperto Santos, Bishop Bastes at marami pang iba. Salamat sa malinaw at matapang na tinig ng AMRSP at CEAP at iba pang mga naninindigang grupo. Palalimin po Ninyo at pagbuklurin ang aming pananampalataya sa Inyo.
Maaari pa nating pahabain ang listahang ito nang sa gayun ay sapat nang tumahimik tayo at pasalamatan ang kadalasang lihim at tahimik na pagpapala ng Diyos sa ating lahat.





Comments