Iba't ibang benepisyo ng bagong batas ng SSS, alamin!

Dear SSS,
Magandang araw! Narinig ko sa balita na mayroong bagong batas ang SSS. Ano ang benepisyo nito sa aming mga miyembro? — Marcus Santos
Sagot
Para sa inyong kaalaman, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018 na nagpapalawig sa kapangyarihan ng Social Security Commission kung saan pinapayagan itong palawakin ang kapasidad ng pamumuhunan ng ahensiya upang makalikom ng mas malaking kita para sa kapakinabangan ng mga miyembro at pensiyunado.
Sa ilalim ng batas, unti-unting itataas ang kasalukuyang kontribusyon na 11%. Magkakaroon ng dagdag na 1 percentage point sa simula sa unang taon ng pagpapatupad ng batas hanggang sa maabot ang 15% sa 2025. Kasabay din nito ang unti-unting pagtaas ng minimum at maximum monthly salary credit o ang antas ng suweldo na pinagbabatayan ng mga kontribusyon ng miyembro. Bunga nito, inaasahang hahaba ang buhay ng pondo ng SSS sa 2032 ito ay magiging 2045. Ibig sabihin, kayang bayaran ng SSS ang lahat ng benepisyo ng mga miyembro at pensiyunado hanggang 2045.
Gayundin, lalong mapabubuti ang mga benepisyo at prebilehiyo ng mga miyembro. Halimbawa, para sa miyembro na may buwanang suweldo na P20, 000 at nakapagbayad ng hindi bababa sa 3 kontribusyon sa loob ng isang taon bago ang semestre ng pagkakasakit, ang matatanggap niyang sickness benefit ay tataas sa P600 kada araw mula sa kasalukuyang P480 kada araw.
Para sa parehong buwanang suweldo na P20, 000, ang maternity benefit ay inaasahang madaragdagan mula sa kasalukuyang P32, 000 at ito ay tataas sa P40, 000 para sa normal delivery. Samantala, tataas ang average basic monthly pension mula sa kasalukuyang P6, 400 at ito ay aangat sa P8, 000.
Bukod dito, magkakaroon din ng unemployment insurance ang mga miyembro ng SSS. Sa ilalim ng probisyong ito, ang mga kuwalipikadong manggagawa na maaaring nakaranas ng biglaang pagkatanggal sa trabaho ay maaaring makatanggap ng tulong-pinansiyal na katumbas ng kalahati ng kanyang average monthly salary credit sa loob ng dalawang buwan.
Itinatakda rin ng bagong batas na magiging obligadong miyembro na ng SSS ang mga OFW upang may makuha silang mga benepisyo sa oras ng pangangailangan. Ang kontribusyon nila sa SSS ay mahalagang paraan ng paghahanda sa kanilang pagreretiro. Kadalasan, ang OFW ay hindi nasasakop o kaya ay limitado lang ang natatanggap na social security benefits sa bansang kinalalagyan nila.
Sa ngayon, hinihintay natin ang Implementing Rules and Regulations ng bagong batas.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.
◘◘◘
Nais nating ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pinansiyal. Samantala, ang Loan Restructuring Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Abril 2019. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga loan balance ng ating mga miyembro. Inaanyayahan natin ang ating mga pensiyunado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang programang ito na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments