GYMNAST YULO, MATIKAS SA PAGPASOK SA FINAL NG WORLD CUP

WALANG planong magpahinga ang Olympic gold medal prospect ng Pilipinas na si Carlos Edriel Yulo sa kanyang kampanya para makapasok sa Tokyo Olympiad.
Patunay ng patuloy na pag-usok ng Pinoy nang lalong tumingkad matapos makapasok sa finals ng floor exercise event ng 2019 World Cup Gymnastics sa Melbourne, Australia.
Mula sa pulutong ng 26 na gymnasts na kumakatawan sa iba’t-ibang mga bansa tulad ng Turkey, Spain, Korea, Japan, Great Britain, Netherlands, Australia, Brazil, Kazakhstan, Israel, Finland, China, Taipei, Slovenia, France, Argentina at Singapore, nakuha ng 2018 World Championships bronze medal winner na si Yulo ang 3rd place para sa maaliwalas na pagpasok sa 8-man finals ng torneong nagsisilbing isang Olympic qualifier.
Ang natipong 14.133 puntos ng 18-anyos na gymnast mula sa Maynila ay sapat na para makasalo sa tersera si Hansol Kim na pambato ng Korea.
Ang iskor ng dalawa ay 0.133 lang ang layo sa top qualifier na si Turkish Ahmet Onder.
Katiting na 0.041 lang din ang agwat sa kanila ng Kastilang si Rayderley Zapata na idineklarang no.2 qualifier.
Kasama ni Yulo, may-ari rin ng bronze medal mula sa Cottbus World Cup sa Germany noong 2018 at sinasabing bagong mukha ng Philippine gymnastics katulad noong 1980s ni Bea Lucero sa mga pumasok sa finals sina Hibiki Arayashiki (Japan, 14.100 puntos), Dominick Cunningham (Great Britain, 14.066 puntos) at iba pa.





Comments