TOP SPOT, TUDLA NG LADY SPIKERS KONTRA ADU FALCONS SA WOMEN’S
- BULGAR

- Feb 23, 2019
- 1 min read

TATANGKAING tudlain ng reigning women’s titlist De La Salle ang kanilang ikalawang sunod na panalo na maglulukok sa kanila sa liderato kasalo ng kasalukuyang namumunong University of the Philippines sa pagsagupa nila sa Adamson University sa tampok na laro ngayong hapon sa UAAP Season ‘81 Volleyball Tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Iginupo ng Lady Spikers ang kanilang archrival Ateneo noong Linggo-Pebrero 17 sa opening weekend ng torneo sa Araneta Coliseum, 25-14, 25-17, 16-25, 25-19 para sa una nilang panalo.
Nakatulong para sa tropa ni coach Ramil de Jesus ang hindi nila pagsali sa mga pre season tournament kung kaya naging palaisipan sa Lady Eagles ang kanilang laro at magiging starters. Tatangkain ng Lady Spikers na masundan ang unang tagumpay sa pagharap nila sa Lady Falcons sa tampok na laban ng 4 p.m.
Sa panig ng Adamson, magkukumahog silang makabangon sa natamong 5-sets na pagkatalo sa kamay ng UST noong opening. Hangad ni Lady Falcons coach Air Padda na unti-unting umangat ang laro at mag-mature ang kanyang players na ‘di gaya ng pagtingin ng ilan sa kanilang koponan. “I don’t think anyone was looking for us to do much. I’m not gonna say that we’re like a team to look out for, but we’re definitely not at the bottom where a lot of people put us,” wika ng American mentor.
Sa unang laban, mag-uunahan na makapasok sa win column ang National University at ang University of the East na kapwa natalo sa una nilang laro sa kanilang pagtatapat sa pambungad na laban ganap na 2 p.m. pagkatapos ng unang dalawang laro sa men’s division. (VA)





Comments