Suliraning nagpahirap sa mamamayan, bumabalik matapos ang ilang dekada

Noong 1965, sampung taong gulang pa lang tayo, naaalala natin ang kuwentuhan na “si Marcos, magaling ‘yan. Siya ang kailangan nating iboto”. “Sino ang taong kanilang hinahangaan? Ano ang mga nagawa niya at bakit gustung-gusto siya ng marami?” Ito ang tanong sa musmos na isipan ng isang bata.
Hindi nagtagal at naghalalan na kahit na saan, mababasa natin ang “stop Mac, go Marcos!” Natalo si Diosdado Macapagal at naging pangulo ang batambatang si Ferdinand Marcos. Mahusay itong magsalita, walang binabasa, kinakabisado at magaling mag-adlib. Marami itong magagandang plano para sa bansa: Masagana 99; Disiplina tungo sa kaunlaran; sunud-sunod din ang pagpapatayo ng mga gusaling kanlungan ng mahahalagang institusyon tulad ng Cultural Center of the Philippines at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at “specialty hospitals” na itinayong magkalalapit sa paligid ng Quezon Memorial Circle, siyempre, katuwang ng dating pangulo ang kanyang mahal na si Meldy.
Maganda at mabango ang lahat sa simula hanggang unti-unting napapansin ang pagdami ng mga alipores na nakadikit sa mag-asawa. Dumami ang mga retiradong heneral na inilalagay sa kung anu-anong mga posisyon. Binigyan ng pangalan ng mga aktibista — ang kroniyismo. Sumulpot ang maraming malalaking negosyo na ibinigay sa pamamahala ng mga kroni at doon napansin ang hindi na maganang takbo ng ekonomiya. Ang pansamantalang kasaganahan ay unti-unting pinalitan ng pagdami ng mga walang trabaho, nagsimula ang mga rally.
Natapos ni ex-P-Marcos ang kanyang unang termino mula 1965 hanggang 1969. Nanalo siya at sinimulan ang kanyang pangalawang termino (1969-1973). Tunay na nagbago ang takbo ng buhay. Dumami ang mga kilos-protesta, dumalas ang pamamasyal sa ibang bansa ni Meldy at ng kanyang Blue Ladies, nagkaroon din ng mga sex scandal sa Malacañang.
Isinilang ang kilusang protesta sa dulo ng dalawang mapanghamong dekada: 1960-1970 na kinilala ng mga aktibista noon na Dekadang 70. Idineklara ang Martial Law at tumagal sa puwesto sina ex-P-Marcos at Meldy ng 14 taon. Kaya mula 1965 hanggang 1986, nakilala ang pamamahala ng mag-asawa na conjugal dictatorship.
Isinilang ang mga kilusang-rebolusyunaryo noong mga panahong ‘yun at isinilang din ang Simbahang tumataya at nakikibaka kasama ng mga pinahihirapang mamamayan. Maraming ikinulong, tinortyur at nawala.
Mabilis ang mga pangyayari mula kay ex-P-Marcos hanggang kay Pangulong Duterte, pagkaraan ng 33 taon at pitong pangulo, tila bumabalik ulit ang mga suliraning nagpahirap sa mamamayan noong mga nagdaang panahon.
Hindi nawala ang mga “trapo”. Walang Facebook, Twitter, Instagram at iba pang social media apps. Mayroong black propagandang ikinakalat sa mga pahayagan, diyaryo at radyo. Mabilis din ang pagkalat ng propaganda noon ngunit, napakalayo sa bilis nito ngayon.
Nasaan na `tayo ngayon? May mga nagsabing umaalis at bumabalik ang mga trapo dahil nagbagong-anyo lamang ang mga ito. Ang problema, hindi lang ang politika kundi ang sistema ng bansa. Ang mga mayayaman at makapangyarihan pa rin ang nasa itaas. Sa darating na eleksiyon, karamihan pa rin ng mga kandidato ay galing sa ganitong sektor na ipaglalaban pa rin ang ganitong sistema.
Mabigat ang hamon, subalit, magiging magaan ito kung walang ilusyon. Ganito tayo noon at ganito pa rin tayo hanggang ngayon. Nariyan pa rin ang mga trapo, ang sistema at istrukturang kakampi nila.





Comments