Pulis binentahan, 3 tiklo sa shabu

ARESTADO ang tatlo katao kabilang ang hinihinalang drug pusher na nagbenta ng shabu sa pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Head PCI Rengie Deimos ang mga naarestong suspek na sina John Ruzzel Cortez, 19, ng Bgy. Unang Sigaw, Balintawak Road, Quezon City; Jomar Diño, 25, at Ginalyn Javinez, 20, kapwa ng Bagong Barrio, Caloocan.
Ayon kay PO1 Francis Carullo, alas-5:30 ng madaling-araw nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU at PCP-1 sa pangunguna ni PCI Joebie Astucio ang anti-illegal drug buy-bust operation kontra kay Cortez sa Zapote St., Bagong Barrio, Bgy. 139.
Isang pulis ang nagpanggap na poseur-buyer na nagawang makabili kay Cortez ng isang sachet ng shabu kapalit ng P1,000 marked money at nang magbigay ito ng signal sa kanyang mga kasama, agad sumalakay ang back-up na mga operatiba at sinunggaban ang suspek kasama sina Diño at Javinez.
Nakumpiska pa mula sa mga suspek ang apat na plastic sachets ng hinihinalang shabu, buy-bust money at P100,000 cash.





Comments