P2.1 million ecstacy huli sa NAIA

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport ang 1,269 piraso ng ecstacy tablets na tangkang ipuslit papasok ng bansa mula sa The Netherlands.
Ang ecstacy na itinuturing na party tablet ay tinatayang nagkakahalagang P2.157 milyon na idineklarang ‘light box’.
Ito ay ipinadala mula sa The Netherlands ng isang G. Voorthusen.
Ipinrisinta ito kahapon ng umaga ng mga opisyal ng Customs sa Port of NAIA sa mga mamamahayag.
Ang package na dumating noong Huwebes ng hapon ay nadiskubre sa tatlong plastic bags kung saan kinumpirma ito ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) matapos magsagawa ng field test.
Ayon kay Port of NAIA District Collector Mimel Talusan, madali nang ma-detect ang mga drogang nanggagaling sa ibang bansa dahil mahigpit na nakabantay ang mga Customs examiner, police at x-ray scanning personnel sa mga package na nagmumula sa mga ‘hitlist’ na bansa.





Comments