MPBL ALL STARS, ABANGAN ANG NORTH VS. SOUTH AT PARIPA SA FANS
- Clyde Mariano / MC
- Feb 23, 2019
- 2 min read

KABILANG sa mga tampok na events na tiyak na magbibigay kasiyahan sa basketball fans sa gaganaping MPBL All-Stars Weekend sa Marso 2 sa MOA Arena sa Pasay City ay ang Three-Point Shootout, Slam Dunk contest, 2-Ball competition, Executive Match at ang North vs. South All-Star game.
Bukod diyan ay may bagong sasakyan, 26 na motorsiklo at ilang mahahalagang gadgets ang pa-raffle na naghihintay sa basketball fans na kaloob ni Senator Manny Pacquiao. “Simple lang po ang gagawin natin. Magpunta sa MOA Arena, bumili ng tikets kahit magkano po ang presyo ng tiket na bibilhin kasama na po kayo sa raffle at may tsansang manalo sa mga premyo na kaloob ni Senator Manny Pacquiao,” pahayag ni Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Commissioner Kenneth Duremdes, sa kanyang pagbisita sa “Usapang Sports’ ng (TOPS).
“Pero siyempre, ang All-Stars Game namin ay para sa aming mga fans at supporter. Ito ang pamamaraan namin para magpasalamat,” sambit ni Duremdes. Tatayong coach ng North All-Star si Jojo Lastimosa ng Bataan Risers-Zetapro, habang si Don Dulay ng Davao Occidental Tigers-Cocolife ang bahala sa South team.
Ilan sa star players ng liga na inaasahang makikibahagi sina Aris Dionisio ng Manila, Gary David ng Bataan, JR Taganas ng Bulacan, Larry Rodriguez ng San Juan at Paolo Hubalde ng Valenzuela para sa North; Allan Mangahas ng Muntinlupa, Mark Yee ng Davao Occidental, Jeff Viernes ng Batangas, Gab Banal ng Bacoor para sa South.
Kabuuang 26 koponan ang miyembro ng MPBL at sinabi ni Duremdes na bukas pa sila para sa anim na koponan sa susunod na season. Nilinaw din ni Duremdes ang kagustuhan na mapasailalim sa supervisioned ng Games and Amusement Board (GAB) at pinag-aaralan pa umano ng kanilang legal counsel ang posibleng maging resulta nito sa mga players na aktibo pa ring miyembro ng collegiate leagues at iba pang commercial tournaments. “Tama naman po ang GAB dahil mainam na may supervision. Pero sa ngayon yung vision po kasi ng liga na grassroots at nandyan kaya until now amateur kami, So far, nakikipag-usap kami kay GAB Chairman Baham Mitra para maayos ito for the good of everybody,” aniya. Iginiit ni Duremdes na walang suweldo o kontrata ang players ng MPBL. “Pero meron silang nakukuhang allowances,” pahayag ng one-time MVP ng PBA.





Comments