Iba’t ibang sintomas ng goiter
- BULGAR

- Feb 23, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Nagkaroon ng goiter ang nanay ko at lumaki ito nang husto dahil napabayaan at hindi rin niya naipa-check-up sa doktor. Ang sabi sa amin, kinakailangan na raw itong maoperahan dahil hindi na raw ito mapaliliit ng gamot. Minsan, may nabasa ako sa kolum ninyo na ito ay namamana. Anu-ano ang mga sintomas na dapat bantayan para hindi lumala ang goiter? — Lenny
Sagot
Ang goiter ay laganap sa kababaihan, lalo na sa mga babaeng may edad 40 pataas. Dahil autoimmune disease ito, ang goiter ay namamana, maaaring magkaroon nito kung may history nito ang inyong pamilya.
Narito ang mga pangunahing sintomas ng goiter:
Pagtubo ng maliit na bukol sa leeg at sa pagtagal ay unti-unti itong lumalaki.
Hirap sa paghinga at paglunok ng pagkain.
Madalas mapaos na may kasamang pag-ubo.
Nahihirapan sa paggalaw ng ulo.
Mas mabilis hingalin.
Unti-unting pagbagsak ng timbang.
Pagkakaroon ng high pitch sound o matinis na boses.
Hair loss o pagkalagas ng buhok.
Matinding pamamawis.
Pagbabago sa mood tulad ng nervousness.
Fatigue o mabilis mapagod kahit sa kaunting aktibidad.
Pagiging sensitibo sa init ng araw.
Abnormal na palpitation ng puso.
Narito ang tatlong uri ng goiter:
Diffuse smooth goiter — nangyayari ito kapag ang buong thyroid glands ay namamaga.
Nodular goiter — isang uri ng goiter kung saan maliit lang ang bukol.
Retrosternal goiter — isang uri ng malalang goiter kung saan ito ay lumalaki sa likod ng breastbone. Ang ganitong kondisyon ay nangangailangan ng operasyon upang matanggal ang bukol.
Narito ang ilan sa mga test na maaaring maisagawa:
Radioactive iodine scan — ginagawa ang prosesong ito matapos magsagawa ng radioactive iodine injection.
Ultrasound scan — nakatutulong ang prosesong ito upang matukoy ang aktuwal na laki o size ng goiter.
Fine-needle aspiration — isang uri ng operasyon na tinatawag na biopsy. Ang prosesong ito ay isinasagawa upang matukoy kung ang bukol sa leeg ay cancerous.
Goiter surgery — ito ang pinakahuling isinasagawa sa pasyente depende kung gusto niya itong ipatanggal o paliitin ang bukol
Delikadong sakit ang goiter, lalo na kapag napabayaan. Ang maliit na bukol ay maaaring lumaki at mauwi sa kanser kapag ang katawan ay walang sapat na iodine. Upang makasigurado, mas makabubuti kung magpapakonsulta agad sa doktor upang mabigyan ng karagdagang payo.




Comments