top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

‘Task force baklas’ kontra illegal campaign materials

Gina Pleñago
Feb 23, 2019
2 min read

MULING binuo ang Task Force Baklas para alisin at tanggalin ang lahat ng illegal election materials sa Metro Manila upang masigurong maayos at patas sa panahon ng kampanya.

Binubuo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Commission on Elections (COMELEC), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine National Police (PNP) ang Task Force Baklas.

Nakipagpulong sina MMDA Chairman Danilo Lim at MMDA General Manager Jojo Garcia kina Comelec Spokesperson James Jimenez, DPWH Regional Director Ador Canlas at National Capital Region Police Office (NCRPO) General Guillermo Eleazar para pag-usapan ang paghahanda lalo na’t nagsisimula nang dumami ang campaign propaganda materials.

Sa naganap na pulong- balitaan, sinabi ni Garcia na hiniling ng Comelec sa MMDA ang tulong para alisin ang lahat ng election materials na nasa ipinagbabawal na mga lugar.

“Handa ang MMDA na tumulong kaya pinapaalalahanan ko ang lahat ng mga kandidato na huwag nang sayangin pa ang kanilang mga resources dahil aalisin ang mga nakalagay sa puno, traffic lights at pampublikong mga lugar,” ani Garcia.

Siniguro rin ni Garcia na walang kandidatong maliligtas sa kanilang kampanya laban sa iligal na campaign materials.

Sa Pebrero 28, sisimulan ng Task Force Baklas ang kanilang kampanya sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at mga tinukoy na problem areas.

Ani Jimenez, daraan sa due process ang lahat ng kandidato bago baklasin ang kanilang illegal campaign materials.

Dagdag nito, bibigyan ang mga kandidato ng tatlong araw na abiso bago tanggalin ang kanilang campaign materials, kabilang ang mga commercial endorsement sa mga billboard at mga nasa pampublikong sasakyan.

Sa mga common poster area lamang na itinakda ng Comelec maaaring maglagay ng election materials.

Maaari ring maglagay sa mga pribadong lugar pero, dapat ay pinayagan ng may-ari.

Hindi maaaring lumagpas sa 2 feet by 3 feet ang mga election poster.

Kapag hindi tinanggal ang kanilang iligal na campaign materials, posibleng maharap sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Omnibus Election Code o posibleng pagkakadiskuwalipika.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page