top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Hirit ng netizen: NYC chairman, mas oks sibakin kaysa sa ipatanggal ang scholarship ng mga anti-gov

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 22, 2019
  • 2 min read

Marahil, sa mga mata ng opisyal ng gobyerno bawal ang anumang paraan o anyo ng kritisismo. Dapat umanong tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng “anti-government”. Nanawagan pa umano sa ilang organisasyon sa paaralan na ipaalam sa gobyerno kung sinu-sino ang mga mag-aaral na kontra sa gobyerno. Ito ang mga pahayag ni National Youth Commission Chairman Ronald Cardema. Agad siyang binatikos ng ilang mga senador na labag sa Konstitusyon ang kanyang nais ipagawa kay Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi rin ito sinang-ayunan ni DOJ Sec. Menardo Guevarra dahil labag umano ito sa “freedom of speech”. Naglabas na rin ng pahayag ang Palasyo na hindi dahilan ang pagiging kritiko ng gobyeno para tanggalan ng scholarship.

Ito ang mahirap kapag walang alam sa batas ang mga binibigyan ng posisyon sa gobyerno. Kung anu-ano na lang ang inilalabas na pahayag para lang maging malakas sa pangulo. Dapat tandaan niyang ang perang nakalaan sa mga scholar ay pera ng gobyerno at hindi galing sa bulsa ng pangulo o ng opisyales. Tama ang panawagan ng ilang netizen na tanggalin na siya sa posisyon, dahil malinaw na hindi ang kapakanan ng kabataan o mag-aaral ang inaalagaan nito.

◘◘◘

Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang Universal Healthcare Act, isang pamamaraan para mabigyan ng “healthcare coverage” ang lahat ng mamamayan. Lahat ng mamamayan ay pasok na sa National Health Insurance Program (NHIP). Depende na lang kung makapagbabayad ng premium o hindi, pero pasok pa rin lahat sa NHIP. Mapalalawig din ang coverage ng PhilHealth. Isinasabatas din na ang lahat ng mag-aaral sa anumang sektor ng kalusugan kung nakapagtapos bilang scholar ng gobyerno ay kailangang magtrabaho muna ng tatlong taon sa public sector.

Maganda kung mas maipaliliwanag ang bagong batas sa wika na maiintindihan ng lahat, pero maganda ang batas na ito. Kulang na kulang ang serbisyong-pangkalusugan para sa lahat, partikular na sa mga mahihirap. Hindi tulad sa Spain at Canada kung saan libre ang magpa­pagamot para sa lahat ng kanilang mamamayan. Maganda rin na ang mga pinaaaral ng gobyerno ay mag-alay muna ng serbisyo sa bansa. ‘Yan ang dapat gawin sa scholar, hindi ang pagbabawi ng kanilang edukasyon dahil “kritiko” lang sila ng administrasyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page