GENERAL TRIAS AT BINANGONAN NAMAYANI SA CBA FOUNDER’S CUP

BAHAGYA lamang pinagpawisan ang General Trias at Binangonan bago kapwa namayani laban sa kani-kanilang mga katunggali sa Community Basketball Association (CBA) Founders’ Cup basketball championship sa Binangonan Recreation at Conference Center sa Binangonan, Rizal.
Pinayuko ng General Trias ang Parañaque, 80-77, habang winalis ng Binangonan ang Rizaba, 122-94, upang kaagad magpasiklab sa bagong tatag na liga na pinangungunahan ni actor-director Carlo Maceda.
Nagpakitang gilas si Chester Ian Melencio na umiskor ng 30 puntos sa 9-of-16 shooting upang pangunahan ang Braves sa Green Berets sa naturang community-based grassroots development tournament.
Nag-ambag din si Haddi Porto ng double-double na 14 puntos at 10 rebounds para sa Braves, na lumamang ng 22 puntos bago pinigil ang huling resbak ng Green Berets.
Si Dwight Saguiguit ang nanguna sa Parañaque sa kanyang 25 points, kabilang ang anim na triples.
Samantala, sumandal ang Binangonan sa mahusay na paglalaro sa 3rd quarter upang biguin ang Rizaba sa kanilang sagupaan.
Nagsanib-puwersa sina Viel Tumalon, Ernest Oduca, Felipe Chavez at Ivan Cuyong para humatak ng 61 puntos para sa panalo ng Slashers laban sa Raptors.





Comments