CEU SCORPIONS, KAMPEON VS. PMMS SA 26TH NCRAA

WINALIS ng Centro Escolar University ang 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) at maiuwi ang korona kontra sa Philippine Merchant Marine School, 62-61, Miyerkoles sa napunong Paco Arena. Tinapos ng Scorpions ang kanilang unang sabak sa torneo na walang bahid ng pagkatalo sa 11 laro.
Sa huli, nanaig ang mga beterano ng CEU na sina Tyron Chan, Rich Guinitaran at Christian Uri.
Hindi pinatawad ng depensa ng Scorpions at nagawa nilang hindi makapuntos ang Mariners sa loob ng unang anim na minuto ng huling quarter at lumamang, 57-48, salamat sa mga tira nina Chan at Uri.
Subalit hindi sumuko ang PMMS at lumapit sa bisa ng magkasunod na tres nina Kurt Sunga at Ralph Briones, 62-61, at 1:29 ang nalalabi.
Hindi na gumalaw ang talaan pero kinabahan ang mga maka-CEU matapos mapituhan ang kanilang koponan ng 24-second shot clock violation at limang segundo sa orasan.
May pagkakataon ang PMMS pero hindi pinasok ni 26th NCRAA Most Valuable Player Bryan Hilario ang kanyang malayong tira sabay tunog ng busina at ito ang naging hudyat ng kasiyahan ng CEU sabay ng pagbuhos ng tubig kay Coach Derick Pumaren.
Nanguna para sa Scorpions si Chan na may 16 points and walong rebound habang may 14 puntos at apat na assist si Uri.
Nag-ambag ng 12 puntos at walong rebound si Guinitaran.





Comments