4 kulong sa P6.8 milyong shabu

NAKUMPISKA ng mga awtoridad ang nasa P6.8 milyong halaga ng shabu sa apat na drug suppliers sa isang apartment unit sa Taguig City, kamakalawa.
Nasa kustodiya ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 sa Cubao, Quezon City ang mga suspek na sina Abel Dagadas, 34, ng Bgy. North Signal Village, Taguig City; Usay Uting, 49, ng Kabunatalan, North Cotabato; Larrylyn Azada, 29, ng Bgy. North Signal Village at Jacqueline Dapitan, 52, ng Bgy. Pantalan, Batangas City.
Sa press briefing, ipinrisinta sa mamamahayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director General Guillermo Eleazar ang apat na suspek at mga bultu-bultong shabu na nasamsam ng mga pulis sa apartment unit na matatagpuan sa Sampaloc St., Bgy. Central Signal, alas-8:25 ng gabi.
Base sa ulat, nagkasa ng buy-bust operation ang pinagsanib-puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), QCPD-S7 at Taguig City Police laban kay alyas Hiver at mga suspek sa lugar.
Binentahan umano ng P2,000 halaga ng shabu ang poseur-buyer na sanhi ng pagkakaaresto ng apat na suspek.
Nasamsam sa mga ito ang 11 malalaking pakete at isang medium pack ng umano’y shabu na may timbang na 1 kilo na nagkakahalagang P6.8 milyon, P2,000 marked money, anim na cellphones, P10,000 cash na drug money, isang digital weighing scale, itim na pouch na naglalaman ng assorted drug paraphernalias, isang bungkos ng hindi pa gamit na plastic sachet at isang pouch multi color.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang QCPD Station 7 sa pinagtataguan ng mga suspek at dito umano nanggagaling ang mga shabu na isinu-supply sa Cubao area sa Quezon City.
Posible rin umano itong drug supplier sa iba pang lugar.
Samantala, mariing itinanggi ng mga suspek na sa kanila ang mga nasabat na milyun-milyong shabu.





Comments