TARGET 2020 TOKYO OLYMPICS: LALARGA ANG GO-FOR-GOLD RIDERS SA UCI RACES


MATAPOS ang magandang kampanya sa Ronda Pilipinas, lalarga pa sa mas mapanghamong mga daan ang Go For Gold Philippines Continental Team ngayong taon upang ipagpatuloy ang target na makapagpadala ng Pinoy riders sa 2020 Olympics sa Tokyo.
Susunod na tatahakin ng Team Go For Gold ay ang five-stage Tour de Iskandar sa Johor, Malaysia sa Abril, ang isa pang Union Cycliste Internationale (UCI) race na malaking puntos sa Pinoy cyclists na makapaghanda para sa global Summer Games. “We have to race in as many UCI races as we can to realize our dream of seeing a Filipino participate in the cycling competitions of the Olympics,’’ ayon kay Go For Gold godfather Jeremy Go.
Kakarera pa sila sa ilang serye ng multi-stage bikathons bago magtapos ang taon sa Singapore, Indonesia, Thailand at Sri Lanka dagdag pa ang Le Tour de Filipinas at national championships sa Hunyo kung saan nakataya ang mas maraming UCI points. “We have a full exposure this year with 12 international races on schedule, including the Asian Cycling Championships late April,’’ayon kay Go For Gold project director Ednalyn Hualda.
Napunta kay Ismael Grospe ang best young rider award nang manguna sa under-23 category ng Ronda Pilipinas na nilahukan ng 15 teams, walo ay pawang foreign squads. Ang tikas ni Grospe kasama sina Jonel Carcueva, Elmer Navarro, Boots Ryan Cayubit at Daniel Ven Carino ang nagpaangat sa Go For Gold para sa fourth overall sa team race ng five-day Ronda na nagtapos noong nakaraang linggo sa Pandan, Antique.
Mahihigitan pa sana nila ang 4th place kung hindi nawala si team captain Ronnel Hualda matapos ang opening stage sa Iloilo City at pagkakabanggaan at flat tires na dinanas nila sa karera. Sumakit pa ang tiyan ni Hualda na nakaapekto sa kanyang performance sa unang stage, upang hindi na ito makapedal pa sa nalalabing stages. Naka-3rd overall din ang Go For Gold sa Filipino teams sa likod ng 7Eleven Road Bike Philippines at Navy Standard Insurance. (MC)





Comments