Sa kaliwa’t kanang graduation; mga “epalitiko”, bawal na!

MAGSA-SUMMER na, ramdam n’yo na ba ang mainit na labanan ng mga kandidato? Hmmm… bukod sa pagbabakasyon, siyempre, inaabangan din natin ang kaliwa’t kanang graduation.
Panigurado, marami na namang magkakalat na flyers at pamaypay na may mukha at pangalan ng mga kandidato. ‘Yun lang!
Kaya naman sa plano ng Department of Education (DepEd) na huwag gawing speaker sa graduation ang sinumang tatakbo sa eleksiyon 2019, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na welcome sa kanila ang ganitong hakbang dahil kung tutuusin ay maganda ito, lalo na at nalalapit na ang halalan.
Kung sakaling walang maiimbitahang mga kandidato, maiiwasan ang pambobola at iba pang agenda para makuha ang boto ng mamamayan.
Gayunman, ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, bagama’t, sang-ayon sila rito ay hindi aniya mababawalan ang mga pribadong eskuwelahan na mag-imbita ng kandidato bilang panauhing-pandangal sa graduation ceremony, pero sa public schools, napakapangit umanong tingnan na ang magsasalita sa graduation ay kandidato dahil baka imbes na ipagdiwang ang pagtatapos ng mga mag-aaral ay mapunta pa ang usapan sa pangangampanya.
Bagama’t, hindi maiiwasan na magbigay ng donasyon na medalya ang mga kandidato dahil bahagi na ito ng commitment ng mga pulitiko bago pa magsimula ang kampanya, dapat ay maliit na halaga lamang ang ido-donate at huwag naman sana ‘yung mas malaki pa ang mukha at pangalan ng kandidato kaysa ru’n sa nagtapos. Jusko!
Samantala, kung sakaling matutupad ito, sana, ito na ang simula ng pagbabago!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments