Libreng pagpapagamot, boladas lang?!

BANAT NI SEN. CHIZ, NYC CHAIRMAN, IGNORANTE SA KONSTITUSYON—Sinabihan ni Sen. Chiz Escudero si National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema na ignorante sa Konstitusyon sa panawagan nito kay P-Duterte na tanggalin bilang mga “Iskolar ng Bayan” ang mga estudyanteng lumalahok sa kilos-protesta laban sa gobyerno.
Ayon kay Sen. Chiz, malinaw sa nakasaad sa Konstitusyon ang Freedom of Speech at kalayaan ng sinumang magdaraos ng protesta kaya ayon sa senador, si Cardema na ignorante sa Konstitusyon ang dapat tanggalin sa puwesto at hindi ang benepisyo ng mga “Iskolar ng Bayan,” period!
◘◘◘
KUNG SI DANTES MAY DELICADEZA, SI CARDEMA WALA! — Kung delicadeza ang pag-uusapan, mas may delicadeza si dating NYC Chairman Dingdong Dantes kaysa kay NYC Chairman Cardema.
Nang magpasya si Dantes na tumulong sa kampanya sa pagka-pangulo noon ni Sen. Grace Poe ay nag-resign siya sa puwesto para hindi mabahiran ng politika ang NYC, pero si Cardema, lantaran nang nangangampanya sa mga kandidato ng PDP-Laban, pero ayaw pa rin mag-resign sa NYC, buwisit!
◘◘◘
LIBRE NA RAW ANG PAGPAPAGAMOT SA LAHAT NG URI NG SAKIT, PERO MAY BAYAD PA RIN PALA—Isinabatas ni P-Duterte ang “Cancer Control Program” para maging abot-kaya na umano ang pagpapagamot sa kanser.
Ibig sabihin, may bayad pa rin pala ang pagpapagamot sa ospital ng mga may kanser taliwas sa idinadaldal ng Duterte gov’t. na dahil sa “Malasakit Center” at “Universal Health Care”, magiging libre na raw ang pagpapagamot sa lahat ng uri ng sakit sa mga ospital.
Pambihira, libre na raw ang pagpapagamot kasi may “Malasakit Center” na, may “Universal Health Care” pa, tapos may bayad pa rin pala at mura lang naman daw. Nakupo, ang gulu-gulo!
◘◘◘
RAKET NA ‘PAIHI’ SA STAR TOLLWAY, DINARAAN-DAANAN LANG DAW NG PNP-HPG — Dinaraan-daanan lang daw ng mga pulis-HPG ang raket na “paihi” o “oil pilferage” nina “Violago” at “Dan Buriki” sa STAR Tollway sa Batangas.
Malabo siguro ang mga mata ng mga tauhan ni PNP-HPG Director Roberto Fajardo kaya hindi nakikita ang raket ng sindikatong ito sa STAR Tollway, buwisit!





Comments