top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Madalas na paglalaro ng digital at video games ng kabataan, bantayan!

Win Gatchalian
Feb 21, 2019
2 min read

ITINUTURING ng World Health Organi­zation (WHO) na mental health disorder ang pagkakalulong sa digital at video games.

Ayon sa nasabing organisasyon, isinama na nila ang kondisyong ito sa listahan ng 11th International Classification of Diseases (ICD) noong 2018.

Base sa depinisyon ng ICD, ang “gaming disorder” ng mga indibidwal ay nangangahu­lugang tuluy-tuloy na paglalaro ang nabibigyan ng prayoridad na nagdudulot ng kawalan ng interes sa iba pang mga makabuluhang bagay at aktibidad.

Ipinaaalala ng Department of Health (DOH) na masama ang epekto sa kalusugan ng labis na paglalaro dahil kung hindi pagkapuyat ang nagiging resulta ay hindi na nakakakain nang maayos ang mga bata.

Kaya naman madalas ipinapayo ng gob­yerno na palaging gabayan ng mga magu­lang ang kanilang mga anak sa paglalaro at limitahan ang oras na uubusin para rito.

Ayon sa 2009 Nielsen Global Online Con­sumer Survey, ang mga Pilipino ang top con­sumers ng video games sa buong mundo.

Mahalagang bigyan natin ng matinding konsiderasyon ang kaligtasan at kabutihan ng mga kabataan dala ng hamon ng makabagong teknolohiya at pabagu-bagong kalakaran at panahon.

Naitatag ang MTRCB sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1986 noong 1985 na nagbibigay ng mahalagang gampanin upang mailihis ang mga batang mag-aaral mula sa ma­rarahas, mapanganib at imoral na mga ma­teryal na maaaring maging sanhi ng pagkasira ng kinabukasan ng mga ito.

Sila ang nagbibigay-gabay sa mga mano­nood sa uri ng paksa at inilalarawan ng media at nagbibigay ng kakayahan sa mga magulang na piliin ang dapat panoorin o tangkilikin ng kanilang anak.

Nakalulungkot lamang na ang pagmo-mo­nitor ng video games ay kasalukuyang hindi kasama sa mga tungkulin at kapangyarihan ng MTRCB.

Kaya bilang pagtugon sa pangangailangan na tutukan ito ay ipinanukala natin ang pagpa­palawak ng kapangyarihan at tungkulin ng nasabing ahensiya sa pamamagitan ng Senate Bill No. 990 o Video Game and Outdoor Media Regulation Act.

Kabilang sa bibigyan ng masusing pansin ng MTRCB ay ang outdoor media motion pictures, television programs kasama ang pub­licity materials tulad ng patalastas, trailers at stills at iba pa.

Ang nasabing mga motion picture video game at television program ay mamarkahan ng kategorya tulad ng “G” o General Patronage, “R” o For Adults Only, “P” o Parental Guidance Suggested at iba pa.

Ang MTRCB ang bahalang magpatibay o magtanggal ng mga hindi karapat-dapat na bahagi ng video games o outdoor media.

Kanila ring ipagbabawal ang pagtitinda, pangongopya o distribusyon ng mga uri ng ma­teryales na labag sa moralidad at kaganda­hang-asal ng tao.

Ang pagkatuto ng mga kabataan ay hindi lamang natatagpuan sa loob ng klasrum. Ma­laking bahagi rin nito ay nagsisimula sa kanilang tahanan o personal na oras kung saan ma­raming panahon ay nakokonsumo sa pa­borito nilang video games.

Sa pamahalaan at mga magulang, ating pagtulung-tulungan na magkaroon ng tamang asal at ligtas na kapaligiran ang mga kabataan sa pamamagitan ng angkop na pagpapalabas ng mga laro o media upang hindi makaapekto sa magandang kinabukasan na naghihintay sa kanila.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page