Babala sa mga nakararanas ng pamamanhid ng mukha!
- BULGAR

- Feb 21, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Na-stroke last December ang tatay ko, gayunman, ayos na siya ngayon kasi naagapan naman at naitakbo agad siya sa ospital. Kaya lang sabi ng doktor ay posible raw itong maulit at baka sa susunod ay major stroke na ito kaya pinatitigil na namin siya sa paninigarilyo ngunit, matigas ang ulo nito at patuloy pa rin. Nais naming malaman kung anu-ano ang mga sintomas nito? — Gina
Sagot
Ang stroke o brain attack ay nangyayari kapag natigil ang daloy ng dugo sa utak ng tao. Kapag nagkaroon ng stroke, agad namamatay ang mga cell ng utak na nawalan ng daloy ng dugo. Ang dugo natin ang nagbibigay ng oxygen at nutrients na kailangan ng utak upang ito ay mabuhay at magampanan ang kanilang tungkulin sa ating katawan.
Narito ang tatlong klase ng stroke:
Ischemic stroke — ito ay bunga ng pamumuo ng dugo na bumabara sa mga ugat papunta sa utak ng tao. Nawawalan ng daloy ng dugo ang utak dahil sa baradong ugat na dulot ng namuong dugo. Halos 80% ng strokes ay dahil sa ischemic stroke.
Hemorrhagic stroke — ito ay bunga ng pumutok o nasirang ugat sa utak. Halos 20% ng kaso ng mga stroke ay dahil sa hemorrhagic stroke. Ang tumatagas na dugo mula rito ay nagdudulot ng sobrang pressure sa brain cells na nagdudulot ng pagkasira at pagkamatay ng mga ito. Karaniwang sanhi ng pagputok ng mga ugat ang mataas na blood pressure at aneurysm o ang paglobo ng parte ng mga ugat.
Transient Ischemic Attack (TIA) — ito ay tinatawag ding ministroke. Ang pagkakaiba nito sa dalawang naunang klase ng stroke ay panandalian lamang ang pagkawala ng daloy ng dugo sa utak. Kadalasan ay hindi ito tumatagal ng limang minuto kaya hindi ganu’n kalala ang pagkasira at pagkamatay ng brain cells. Ngunit, isa pa ring medical emergency ang TIA at nangangailangan ng atensiyong-medikal sapagkat maaari itong maging babala ng major stroke sa hinaharap.
Mahigit sa 33% ng mga taong nagkaroon ng TIA ay nagkakaroon ng major stroke sa loob ng isang taon matapos ang TIA kung hindi sila nabigyan ng karampatang gamutan.
Dahil utak ang naaapektuhan ng stroke, naaapektuhan din nito ang buong katawan ng pasyente. Ang resulta ay maaaring pagkaparalisa ng katawan, hirap sa pag-iisip, problema sa pagsasalita o pagkautal at problema sa emosyon. Maaari ring makaranas ng sakit at pamamanhid sa katawan ang mga pasyenteng may stroke.
Narito ang mga sintomas na nararamdaman ng taong na-stroke:
pamamanhid ng mukha
panghihina ng mga balikat at kamay
hirap magsalita
hirap maglakad o ibalanse ang katawan
panlalabo ng mga mata
biglaan at matinding sakit ng ulo




Comments