YULO, GOLD ANG TARGET SA TOKYO OLYMPICS

IPAGPAPATULOY ng binatilyong si Carlos Edriel Yulo ng Pilipinas ang kanyang paghahangad na makasungkit ng gintong medalya sa Tokyo Olympics sa pamamagitan ng paglahok sa Olympic qualifier na 2019 World Cup Gymnastics simula ngayong Pebrero 21 hanggang 24 sa Melbourne, Australia.
Sasalang sa apat na events ang Pinoy na bagamat 18-anyos pa lang ay nakikipagsabayan na sa seniors events kontra sa mga de-kalibreng kalahok at sinasabing bagong mukha ng Philippine gymnastics kapalit ni Bea Lucero noong nakaraang dekada.
Ang unang dalawang araw ng kompetisyon sa Australia ay naglalayong hugutin ang walong gymnasts na puwedeng makipagsapalaran sa finals.
Ang final round ay masasaksihan sa huling dalawang araw ng torneo. Podium ang puntirya ng mga gustong mag-qualify sa Olympiad.
Sa mga kompetisyong dati na niyang sinalihan, malupit na potensiyal ang ipinapakita ni Yulo kaya isa siya sa itinuturing na pinakamalaking pag-asa ng Pilipinas para makakuha ng Olympic gold sa susunod na taon.
Katunayan, nakasampa sa podium ang Pinoy Olympic hopeful nang lumahok ito sa Doha World Championships at sa World Cup sa Cottbus, Germany sa huling bahagi ng 2018.
Dahil isang Olympic qualifier ang paligsahang kilala rin sa bansag na Melbourne World Cup, lahat ng mga umaasinta ng medalya sa 2020 Olympiad mula sa 32 bansa ay nagpadala ng kalahok.





Comments