Nanakit at nagbanta sa buhay ng babae at driver | Anak ako ng mayor!
- BULGAR

- Feb 20, 2019
- 2 min read

“ANAK AKO NG MAYOR”!
Ganito ang banat ng isang lalaki na nanampal at nagbanta umano sa buhay ng driver at babae sa Sierra Madre Mountain Resort kung saan naganap ang insidente.
Base sa kuwento ng biktima na si alyas Ria, habang inaayos ng kanilang driver ang pagkakaparada sa kanilang sasakyan ay isang babae umano ang bigla na lamang nagalit dito at nagsisigaw dahil inaakusahan nito ang kanilang driver na naatrasan siya at ang kanyang anak.
Pagkatapos nito ay biglang umalis ang babae at makalipas ang 15 hanggang 20 minuto ay bumalik ito kasama ang kanyang asawa na nagpakilalang “anak ng mayor” na bigla na lamang nanampal, gayundin na binantaan ang kanilang buhay na pagbabarilin umano silang lahat.
Nang tangkaing magpaliwanag at umawat si Ria ay siya naman umano ang sinampal nito.
Sinabi rin umano ng lalaki na mainit ang kanyang ulo dahil sa biglaang paggising sa kanya ng kanyang asawa.
Dahil dito, hindi napigilan ni Ria na mag-post ng hinaing niya sa social media kung saan umani ng pambabatikos ang lalaki mula sa netizens.
Gayunman, hindi tamang dahilan na mainit ang ulo para manakit tayo kung may problema, dapat pinag-usapan na lang muna ito nang maayos nang sa gayun ay hindi na lumaki pa.
Dagdag pa rito, hindi rin tama na gamitin ang katungkulan ng kahit na sinong kamag-anak para manakot o magmalaki dahil kung tutuusin, mamamayan naman ang may dahilan kaya nakaluklok ang mga ‘yan sa puwesto, gayundin na nagmumula rin sa atin ang pondong ginagamit lang nila sa kung anu-ano. Tsk!
Samantala, ayon sa biktima, hindi pa nila nakokontak ang lalaki dahil umano maling numero ang ibinigay nito sa nasabing resort.
Kaya nananawagan tayo sa lahat ng makakikilala sa lalaki na ipagbigay-alam agad sa mga awtoridad kung nasaan ito nang sa gayun ay makuha ang kanyang opinyon at kung mapatutunayang guilty siya, kailangan niya talagang pagbayaran ang kanyang ginawang pananakit at pagbabanta, gayundin na magsilbi sana itong aral para sa kanya at sa iba na maaaring makaranas ng ganitong sitwasyon.
Palagi nating tatandaan na hindi porke may katungkulan, eh, katatakutan at sasambahin na ito ng mga normal na mamamayan.
Hindi man nangyayari o nakikita sa totoong buhay, pero lahat tayo ay pantay-pantay at walang dapat na nakaaangat o nakalalamang!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments