Mga adik nabawasan, 'war on drugs' epektibo?! Hmmm...

IPINAGMAMALAKI ng Philippine National Police (PNP) at administrasyong Duterte ang resulta ng pinakabagong pagsusuri ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing mas maraming mamamayan ang naniniwalang nabawasan ang mga adik sa kani-kanilang komunidad. Kahit ang Palasyo ay natutuwa sa resulta, patunay na epektibo umano ang “war on drugs” ng kasalukuyang administrasyon. May patutsada pa ang Palasyo sa mga kritiko ng administrasyon na huwag maging “blind, dumb” o “bulag, tanga” sa resulta ng pagsusuri na epektibo ang kanilang kampanya kontra iligal na droga.
Pero, dapat ipakita rin ng PNP ang bilang ng mga pinapatay sa lansangan. Noong Linggo, alas-3 ng hapon sa EDSA, pinagbabaril ang sasakyan ng isang negosyante. Patay si Jose Luis Yulo at ang kanyang drayber na si Allan Nomer Santos, habang nasaktan naman si Esmeralda Ignacio. Halos sa tapat ng Polymedic o VRPMMC naganap ang krimen kaya may mga rumesponde sa insidente. Kung tunay na ligtas ang lansangan dahil sa ipinagmamalaking pagbawas ng mga adik, bakit may mga ganitong patayan sa kabila ng liwanag ng hapon at sa EDSA pa? Bakit parang walang takot mahuli ang mga mamamatay-tao?
◘◘◘
Tumaas ang bilang ng mga kaso ng dengue sa Central Visayas. Mula Enero hanggang unang linggo ng Pebrero, higit sa dalawandaang porsiyento ang itinaas kumpara noong 2018. Higit tatlong libong kaso ang naitala at dalawampu’t apat ang namatay. Ang nais ng Department of Health (DOH) ay magdeklara na ng pagsiklab ng dengue sa Central Visayas, partikular sa Cebu.
Hindi umabot ang programa ng pagbabakuna kontra dengue sa Central Visayas. Napapaisip lang tayo kung umabot ito roon, ganito rin kaya ang maging bilang ng kasong may kaugnayan sa dengue? Sa ngayon, wala nang panlaban kontra dengue dahil suspendido na ang programa at tinanggal na ang Dengvaxia sa merkado. Karaniwang panlaban na lang sa lamok at paglinis ng kapaligiran ang maaari nating gawin, kasama ang pag-iingat. Nakamamatay ang dengue, lalo na kung hindi ito maaagapan. May kasalukuyang pagsiklab din ng tigdas na nilalabanan ng gobyerno. Kaya mahalagang mabakunahan ang mga bata sa tamang edad. Ligtas ang bakuna para sa tigdas at walang dapat ikabahala.





Comments